Nanatili bilang Senate President si Alan Peter Cayetano sa kabila ng umuugong na balitang muling magkakaroon ng palitan ng liderato sa Senado ngayong araw, Mayo 18.Kasalukuyang tumatayo bilang presiding judge si Cayetano sa isinasagawang pag-convene ng impeachment court sa Senado para sa paglilitis ng Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. CESAR MORALES
MANILA, Philippines – Ayon sa survey ng OCTA Research, apat sa bawat limang Pilipino ang hindi naniniwala o hindi pa tiyak kung ang mga senator-judge sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ay magdedesisyon batay sa ebidensya at batas.
Batay sa survey na isinagawa noong Abril 20–24, 32% ng mga respondent ang nagsabing hindi sila naniniwala na magiging batay sa ebidensya ang desisyon, habang 49% ang undecided. Tanging 19% lamang ang naniniwalang magiging patas at nakabatay sa batas ang magiging pasya ng mga senador.
Ayon sa OCTA, pinagsama ang mga datos ay nagpapakita na 81% ng mga Pilipino ang nagdududa o wala pang malinaw na opinyon tungkol sa magiging batayan ng desisyon ng mga senator-judge.
Lumabas din sa resulta na pinakamataas ang antas ng pagdududa sa Mindanao, habang mas mataas naman ang “uncertainty” sa Metro Manila at Balance Luzon.
Sinabi ng OCTA na ang mga resulta ay nagpapakita ng pagkakaiba-iba ng pananaw ng publiko sa fairness at kredibilidad ng impeachment process, at ito ay “baseline measure” pa lamang dahil isinagawa ang survey bago pa magsimula ang aktuwal na paglilitis.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 respondents na edad 18 pataas, na may ±3% margin of error. RNT/MND