COTABATO, Philippines – Nagsagawa ng mga hakbang ang mga mambabatas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) para itulak ang mga konkretong reporma sa edukasyon matapos ang joint oversight hearing na tumalakay sa learning recovery programs, transition ng workforce, at resulta ng mga pagsusuri sa sektor ng edukasyon.
Ayon sa mga miyembro ng Bangsamoro Transition Authority (BTA), ilang isyu at hamon sa Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) ang kanilang binigyang-diin sa public hearing noong Miyerkules.
Sa joint hearing ng BTA Committee on Basic, Higher, and Technical Education at Committee on Finance, Budget and Management, tinalakay ang mga pangunahing problema at kinakailangang interbensyon para mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa BARMM.
Binanggit ng mga mambabatas ang ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), na nagsasabing kailangang bigyang-pansin ang nutrisyon, early childhood care and development, learning recovery, at foundational literacy.
Ayon sa ulat, may 34.3% stunting rate sa BARMM, 16.9% anemia prevalence, at 48.2% household food insecurity—mga salik na nakaaapekto sa kakayahan ng mga bata sa pag-aaral.
Ipinresenta ng MBHTE ang mga programa nito, kabilang ang “Bawat Bata sa Bangsamoro ay Bumabasa at Bumibilang” (5Bs), isang literacy at numeracy recovery initiative para sa pag-angat ng foundational learning outcomes.
Ibinunyag din ng isang mambabatas na humigit-kumulang 30,000 guro na may higit anim na taon nang serbisyo ang wala pa ring appointment papers, kaya’t nananatiling hindi tiyak ang kanilang employment status.
Ayon kay BTA member Baintan Ampatuan, “Their employment is uncertain due to a lack of appointment papers legalizing their status.”
Iniulat din na 30,666 posisyon mula sa dating regional government ay patuloy na pine-verify at inaayos para maisama sa Bangsamoro government structure.
Aminado rin ang MBHTE na may kakulangan ng 5,630 guro hanggang Marso 31, na tinutugunan sa pamamagitan ng agarang hiring at mas mabilis na recruitment.
Natuklasan din ng mga mambabatas na may ilang plantilla item na may dalawang pangalan, na nagpapakita ng umiiral na “item sharing” sa sektor ng edukasyon sa BARMM.
Pinayagan ng BTA ang MBHTE na magsumite ng karagdagang dokumento kaugnay ng mga isyung nabanggit sa pagdinig. RNT/MND