MANILA, Philippines – Tiklo ang isang grade 12 student na kelot na inakusahan ng panggagahasa sa isang babaeng biktima sa ikinasang manhunt operation ng pulisya sa Valenzuela City.
Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, ang akusado ay edad 18-anyos na lalaki at residente ng Brgy., Bignay, ng lungsod.
Armado ng arrest warrant na inisyu ng Valenzuela Regional Trial Court, Branch 282, kaagad ikinasa ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela CPS ang operation laban sa akusado.
Nang makorner ang akusado ng tumutugis na mga tauhan ni Col. Talento, kaagad isinilbi sa kanya ang nasabing warrant para sa kasong Rape na walang inirekomendang piyansa.
Ayon kay Gen. Capili, ang matagumpay na operation ng Valenzuela Police ay bahagi aniya ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga wanted na indibidwal at sa patuloy na pagsusulong ng kapayapaan, kaayusan, at hustisya sa naturang lungsod. (Merly Duero)