Home NATIONWIDE Pagtatalaga ng impeachment manager, binuhay ni Lacson

Pagtatalaga ng impeachment manager, binuhay ni Lacson

1
0

MANILA, Philippines – Bukod sa paghalal ng Presiding Officer, maaaring magtalaga ang Impeachment Court na lilitis sa kaso ni Vice President Sara Duterte ng isang Impeachment Manager upang matiyak ang maayos na daloy ng mga pagdinig, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Huwebes.

Ani Lacson, magsisilbing “quarterback” ang Impeachment Manager na tutulong sa Presiding Officer, katulad ng papel na ginagampanan ng Majority Leader sa Senado.

“Titingnan namin kung pwede makapagtalaga rin kami ng isang Impeachment Manager. Yan ang pwede para mag-quarterback kung overwhelmed ang Presiding Officer, pero may nag-assist sa floor. Parang siya ang conductor sa floor, ika nga, parang majority leader,” aniya sa panayam sa DZBB radio.

Aniya, habang ikinokonsidera ng majority bloc si Sen. Francis Escudero bilang Presiding Officer, pinag-aaralan din nito ang posibilidad na italaga si Sen. Francis Pangilinan bilang Impeachment Manager. Abogado sina Escudero at Pangilinan, aniya.

Ngunit ipinunto din niya na sa Hulyo 6 pa ihahalal ang Presiding Officer, kung kailan pormal na magtitipon ang Impeachment Court para sa paglilitis.

“The Presiding Officer is just one vote, he can be overruled by (the other senator judges) on the floor,” dagdag ni Lacson.

Samantala, nagpahayag si Lacson ng pag-aalala sa posibleng “absurdity” na ang Impeachment Court ay mauwi na lamang sa isang pormalidad para sa pagpapawalang-sala kung masuspinde ang hindi bababa sa siyam sa 24 na Senator-Judges tulad ng kaso ni Sen. Jose “Jinggoy” Estrada, na isinailalim sa preventive suspension ng Sandiganbayan nitong Martes.

Ayon kay Lacson, maaaring kailanganing mamagitan ng Korte Suprema upang matugunan ang ganitong sitwasyon.

Aniya, bagama’t hindi maaaring manghimasok ang Korte Suprema sa operasyon ng Impeachment Court, maaari itong kumilos kung maitaas ang usapin ng grave abuse of authority.

“Yan na nga ang posibleng absurdity na mangyari, assuming na at least nine senator-judges ang ma-suspend. The trial will be a mere formality for acquittal. I’d rather leave it to the wisdom of the Court to come up with a practical necessity to intervene,” aniya sa isang post sa X.

“Ano ang saysay na impeachment trial kung 15 lang yung senator judges na present at pwedeng bumoto? Ano saysay? Sabi ko, formality na ang acquittal, bakit pa tayo mag-trial? So diyan dapat mag-intervene ng Korte Suprema,” dagdag niya sa panayam sa DZBB.

“Mas mainam nang sila na mag-interpret yan. Dahil kung kami, maraming question, kasi pulitika yan. Samantalang ang Korte Suprema, they’re beyond politics,” aniya.  Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here