MANILA, Philippines — Pinagmulta ng Securities and Exchange Commission (SEC) ng P50,000 ang Home Credit Consumer Finance Philippines, Inc. matapos mapatunayang lumabag sa mga patakaran laban sa hindi makatarungang debt collection practices.
Sa kautusang inilabas noong Hunyo 3, sinabi ng SEC Financing and Lending Companies Department na nilabag ng kumpanya ang SEC Memorandum Circular No. 18, Series of 2019 at Memorandum Circular No. 5, Series of 2023, na nagbabawal sa mapang-abusong paraan ng paniningil at nagtataguyod ng proteksyon sa mga financial consumer.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng isang borrower na nagsabing nagsagawa ang Home Credit ng collection activities sa isang tirahan na tinitirhan ng mga taong hindi guarantor o co-maker ng kanyang utang. Ipinagpatuloy umano ng kumpanya ang paniningil sa naturang lugar kahit nakatanggap na ito ng nakasulat na pagtutol mula sa borrower.
Ayon sa SEC, kabilang sa mga ipinagbabawal na debt collection practice ang pakikipag-ugnayan sa mga taong wala namang legal na kaugnayan sa utang maliban sa mga guarantor o co-maker.
“The use of a third-party residence as a collection venue necessarily creates a substantial risk that the existence of the debt, the borrower’s financial condition, or the fact of delinquency will become known to persons who have no lawful interest in the transaction. Such exposure is precisely what the FCPA, MC 18, and MC 5 seek to prevent,” ayon sa SEC.
“The totality of the evidence on record establishes that [HC Consumer Finance], under the pretext of enforcing a valid obligation, transgressed the clear and non-waivable boundaries imposed by law on the manner of debt collection.”
Bukod sa multa, inatasan din ang Home Credit na itigil ang paniningil sa mga taong hindi guarantor o co-maker ng utang, repasuhin at amyendahan ang mga patakaran nito sa koleksyon, at magsumite ng compliance report sa SEC. Santi Celario