Home NATIONWIDE Police ops ‘di sakop ng trabaho ko sa Digong admin – Sen....

Police ops ‘di sakop ng trabaho ko sa Digong admin – Sen. Go

3
0

MANILA, Philippines — Iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go na hindi kailanman naging bahagi ng kanyang mandato ang pagpapatupad ng mga operasyon ng pulisya, kasunod ng mga ulat tungkol sa umano’y arrest warrant laban sa kanya mula sa International Criminal Court (ICC).

Naglabas ng pahayag si Go matapos lumabas ang mga impormasyon na umano’y nagpalabas ng warrant ang ICC laban sa kanya kaugnay ng war on drugs ng administrasyong Duterte.

“Ipinagpapasa Diyos ko na lamang po ang lahat. Buong buhay ko, wala po akong nilabag na anumang batas ng tao o batas ng Diyos,” ani Go.

“Police matters have never been part of my mandate. I hope and pray na hindi mapupulitika ang issue hinggil sa sinasabing ICC warrant daw laban sa akin,” dagdag niya.

Sinabi rin ng senador na magpapatuloy siya sa kanyang tungkulin sa kabila ng mga alegasyon.

“Umasa po kayo na patuloy lang ako sa aking pagseserbisyo, dahil ‘yan ang kailangan ngayon ng ating kapwa Pilipino. Hindi ko sasayangin ang tiwalang ibinigay sa akin ng 27 milyong Pilipino,” aniya.

Ang pahayag ni Go ay kasunod ng sinabi ni Davao 1st District Rep. Paolo Duterte na mayroon umano siyang impormasyon mula sa isang “highly reliable source” na naglabas na ng warrant laban kay Go at dalawang dating opisyal ng pulisya.

Gayunman, sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief General Jose Melencio Nartatez Jr. na wala pa silang natatanggap na anumang opisyal na komunikasyon kaugnay ng sinasabing ICC warrants.

“We rely on formal processes and verified information, not speculation or social media posts,” ani Nartatez.

Kapwa rin sinabi nina Interior Secretary Jonvic Remulla at National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na wala silang natatanggap na anumang abiso mula sa ICC hinggil sa umano’y warrant.

Nauna nang kinumpirma ng ICC ang paglalabas ng arrest warrant laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa. Samantala, sinabi rin ni dating senador Antonio Trillanes IV na posibleng maglabas din ng warrant laban kay Go, na itinuturing umanong co-conspirator sa kasong crimes against humanity laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here