MANILA, Philippines — Arestado ang isang 22-anyos na lalaki matapos umano nitong nakawan ang isang bahay sa Barangay Tandang Sora, Quezon City at tangayin ang mahigit P621,000 halaga ng alahas, pera at foreign currency habang nasa bakasyon ang mga may-ari.
Naaresto ang suspek sa follow-up operation ng Talipapa Police Station noong Hunyo 18 sa pamamagitan ng pagsusuri sa CCTV footage at koordinasyon sa barangay. Ayon sa pulisya, residente rin ng lugar ang suspek.
Nabawi mula sa kanya ang P388,000 halaga ng mga alahas, ilang piraso ng Hong Kong dollars, Singaporean dollars at Malaysian ringgit, gayundin ang P193,000 na cash. Mahigit P48,000 naman ang hindi pa nababawi ng mga awtoridad.
Tumanggi ang suspek na sabihin kung saan niya ginasta ang nawawalang halaga.
“Sa korte na lang po tayo mag-usap… sa korte na lang po, sa korte na lang ako magsasalita,” aniya.
Ayon kay Police Lt. Col. Von Alejandrino, commander ng Talipapa Police Station ng Quezon City Police District (QCPD), naganap ang pagnanakaw noong madaling-araw ng Hunyo 17 habang nasa bakasyon ang mga biktima.
“Nadiskubre nila na sira na itong pintuan nila sa may likuran tsaka pag-check niya sa mga gamit niya doon sa master’s bedroom nila eh kalat na winasak yung mga drawer saka cabinet nila… nawala yung assorted na alahas at iba ibang foreign currency na pera,” ani Alejandrino.
Batay sa CCTV footage, nakita umanong umakyat ang suspek sa likurang bakod ng bahay bago sirain ang mga security camera sa loob at labas ng bahay upang pagtakpan ang krimen.
Lumabas din sa rekord ng pulisya na dati nang nakulong ang suspek dahil sa mga kasong may kaugnayan sa ilegal na droga at pagsusugal noong 2019 at 2023.
Kasalukuyan siyang nakadetine sa Talipapa Police Station at nahaharap sa kasong robbery. Santi Celario