MANILA, Philippines- Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na halos kumpleto na ang kanilang paghahanda sa seguridad para sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., bukod sa National Capital Region Police Office (NCRPO), maaari pang magtalaga ng karagdagang mga pulis upang mapanatili ang kaayusan sa paligid ng Senado at masuportahan ang regular na seguridad sa lugar.
“We in the PNP are aware that this could be an emotionally-charged situation from both sides of the political fence. Our goal is to ensure that this will not lead to an incident that threatens not only their safety but also the peace and order,” ani Nartatez.
Nananatili nang nakatalaga ang mga pulis sa Senado mula pa noong Mayo 11, at nadagdagan pa ang kanilang bilang habang umiinit ang usapin ng impeachment.
Patuloy ring nakikipag-ugnayan ang PNP sa Office of the Senate Sergeant-at-Arms upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng seguridad sa loob at labas ng Senado.
Nilinaw ni Nartatez na hindi papasok sa loob ng Senado ang mga pulis maliban kung may emerhensiya o hindi inaasahang insidente.
Makikipag-ugnayan din ang PNP sa House of Representatives para sa seguridad ng mga kongresistang magsisilbing prosecutors sa paglilitis, gayundin sa mga abogado ng depensa at prosekusyon kung kakailanganin ng karagdagang seguridad.
Dagdag ni Nartatez, patuloy nilang inaayos at inaangkop ang kanilang mga plano upang maging handa sa anumang posibleng mangyari habang nagpapatuloy ang impeachment proceedings. RNT/MND