ILOCOS SUR, Philippines – Sinira ng mga awtoridad ang mahigit ₱3.28 milyong halaga ng marijuana plants sa kabundukan ng Sugpon, Ilocos Sur matapos ang dalawang magkakasunod na operasyon ng pulisya at mga katuwang na ahensya.
Ayon kay Ilocos Sur Police Provincial Office Director Col. Agosto Asuncion, umabot sa 16,400 fully grown marijuana plants ang nasira, na tinatayang nagkakahalaga ng ₱3.2 milyon.
Noong June 15, nadiskubre ang isang taniman sa Barangay Licungan, Sugpon na may lawak na 550 square meters at may 4,400 marijuana plants na nagkakahalaga ng ₱880,000. Isinagawa ang operasyon ng 2nd Ilocos Sur Provincial Mobile Force Company.
Noong June 17, isa pang joint operation ang isinagawa ng PNP-Drug Enforcement Group Special Operations Unit sa boundary ng Barangay Licungan, Sugpon at Barangay Tacadang, Kibungan, Benguet. Natuklasan dito ang dalawang plantation site na may lawak na 1,500 square meters na may 12,000 marijuana plants na nagkakahalaga ng ₱2.4 milyon.
Walang naarestong cultivator at hindi pa natutukoy ang may-ari ng lupa. Patuloy pa ang imbestigasyon at intelligence monitoring.
Ayon kay Asuncion, “These accomplishments reflect the unwavering cooperation of all operating units…” na nagpapakita ng koordinadong kampanya laban sa ilegal na droga.
Sinunod din ang Section 21 ng RA 9165 kung saan agad sinunog at sinira ang mga nakuhang marijuana plants sa lugar, na naidokumento at nasaksihan ng mga awtoridad. RNT/MND