MANILA, Philippines – Ipinahayag ng House prosecution panel na masaya sila dahil “tuloy na” ang proseso patungo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.
Ayon kay lead prosecutor Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, maayos at organisado ang unang pre-trial conference noong Hunyo 18, at malinaw na magsisimula ang aktwal na paglilitis sa July 6.
“And then ang maliwanag kahapon, ang start talaga ng trial is July 6 at magtutuloy-tuloy na ‘yan,” ani Luistro.
Dagdag pa niya, pinuri nila ang impeachment court, prosecution, at defense dahil sa maayos na takbo ng pre-trial na layong mapabilis ang proseso.
Ayon naman kay Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong, “Overall, maganda,” at sinabi niyang nagsisimula na ang tinatawag na accountability mechanism ng Konstitusyon.
“We have finally come to a point na assured na tayo that the ball is rolling, ika nga. Tuloy-tuloy,” aniya.
Giit ni Adiong, inaasahan na ang mga pagtatalo sa pre-trial at hindi ito dapat ituring na tensyon.
“I would not even call it tension kasi that’s expected… in a pre-trial conference,” sabi niya.
Sinabi rin ng mga prosecutor na hindi dumalo si VP Sara Duterte sa nasabing pre-trial.
Isinusulong ang impeachment case laban sa Bise Presidente dahil sa umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyon confidential funds, hindi tamang deklarasyon ng SALN, unexplained wealth, at mga banta laban kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez. RNT/MND