TACLOBAN CITY — Kinumpirma ni Education Secretary Sonny Angara nitong Martes na planado ang pamamaril sa San Jose National High School na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng 13 iba pa.
Ayon sa mga awtoridad, umano’y naimpluwensyahan ng mararahas na online games ang dalawang suspek na edad 14 at 15. Sinabi ni Angara na ipinapakita ng insidente ang pangangailangang mas mabantayan ng mga magulang at guro ang mga kabataan, lalo na sa kanilang exposure sa mararahas na nilalaman sa internet.
“This is not merely a peace and order concern. We also need to guide and monitor our children, especially since they are widely exposed to violent content online,” ani Angara sa kanyang pagbisita sa paaralan.
Hinimok din niya ang mga guro na magsilbing pangalawang magulang at bantayan ang mga palatandaan ng distress o kakaibang asal ng mga mag-aaral.
“I think in the future we just have to understand the kids better and then regulate some of the harmful behavior,” dagdag niya.
Nanawagan din si Angara na papanagutin ang may-ari ng baril na ginamit sa insidente.
“Papanagutin kung kanino nanggaling ‘yung baril. Kasi hindi naman po natural na may baril ang mga bata, di ba?”
Batay sa paunang imbestigasyon, umano’y sinanay sa paggamit ng baril ang 14-anyos na Child in Conflict with the Law (CICL) ng kanyang tiyahing pulis na sinasabing may-ari ng 9mm Glock pistol na ginamit sa pamamaril.
Iniulat na tumalon muna sa bakod ng paaralan ang mga suspek bago nagsagawa ng pamamaril.
Pinuri rin ni Angara ang mga guro at pamunuan ng paaralan dahil sa kanilang agarang aksyon na nakatulong upang mabawasan ang bilang ng mga nasawi at nasugatan. Hinimok din niya ang media na huwag gawing sentro ng atensyon o luwalhatiin ang insidente.
Nagpasalamat din ang kalihim sa mga ahensya ng gobyerno at mga partner group na nagbigay ng psychosocial support sa mga apektadong estudyante, guro at pamilya.
Nanawagan din si Angara na repasuhin at i-update ang mga umiiral na school safety protocols, kabilang ang mga patakaran sa pagtugon sa shooting incidents.
“It’s something that we never thought was applicable, but there is a protocol. We just need to update it,” aniya. Santi Celario