MANILA, Philippines – Naghain si House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ng panukalang batas na naglalayong hadlangan ang mga political dynasty, government contractors, at dating mga halal na opisyal na gamitin ang party-list system bilang daan upang makapasok sa Kongreso.
Sa ilalim ng House Bill No. 9906 o ang panukalang New Party-List System Act, madidiskwalipika bilang party-list nominee o kinatawan ang sinumang may relasyon hanggang ikalawang antas ng pagkakamag-anak o affinity sa kasalukuyang miyembro ng Senado at Kamara de Representantes.
Ang panukala, na kabilang sa mga prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), ay nagbabawal din sa mga incumbent elective official at mga indibidwal na nabigyan ng government contracts, concessions, franchises, o public-private partnership agreements sa loob ng limang taon bago ang halalan. Saklaw rin ng diskwalipikasyon ang mga opisyal at controlling shareholders ng mga korporasyong may kontrata sa gobyerno.
Inaatasan din ng panukala ang mga dating halal na opisyal at mga dating kandidato na sumailalim muna sa isang election-cycle cooling-off period bago maging party-list nominee.
Ayon kay Dy, nilikha ang party-list system upang mapalawak ang representasyon at hindi upang mapalawak ang kapangyarihan ng iilang pamilya.
“Kung tunay tayong naninindigan para sa isang mas bukas, mas patas, at mas inklusibong demokrasya, dapat nating tiyakin na ang party-list system ay nananatiling tapat sa orihinal nitong layunin na bigyan ng boses at pagkakataong makilahok sa paggawa ng batas ang mga sektor at komunidad na kulang sa representasyon.”
Inaatasan din ng panukala ang mga party-list organization na patunayan na hindi sila direkta o hindi direktang itinatag ng mga political dynasty at walang kaugnayan sa mga indibidwal na may interes sa mga kontrata ng gobyerno.
Palalakasin din ang transparency sa pamamagitan ng obligasyon ng mga party-list group na magtago ng financial records, magsumite ng taunang financial reports, at isapubliko ang mahahalagang kontribusyon. Bibigyan naman ng kapangyarihan ang Commission on Elections na magsagawa ng audit at magpataw ng parusa sa mga lalabag.
Ang panukala ay pandagdag sa Anti-Political Dynasty Act na kamakailan lamang naaprubahan sa ikatlong pagbasa sa Kamara. Ayon kay Dy, layunin ng mga repormang ito na mapanatili ang integridad ng party-list system at maibalik ang tiwala ng publiko sa demokratikong representasyon. RNT