MANILA, Philippines – Nakatakdang ipagbawal sa social media ang menor de edad upang tuluyan nang masugpo ang impluwensiya sa karahasan at hate crimes na lumalaganap ngayon sa maraming platforms na nakakasira sa moralidad ng kabataan.
Ganito ang plano ni Senate Majority Leader Juan Miguel “Migz” Zubiri sa nangyaring pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinamatay ng apat na estudyante at sugatan ang iba pa.
Sa pahayag, nakiramay din si Zubiri sa pamilya ng batang nasawi sa pagsasabing: “ipinagdarasal ko ang mabilis na paggaling ng mga nasugatan sa napakalungkot na insidenteng ito.”
“A school, being our children’s second home, should be one of the safest places for our students. Wala dapat na magulang na mapupuno ng pangamba, takot at kaba sa tuwing maghahatid ng anak sa eskwelahan,” giit ni Zubiri.
Aniya, kailangan nang harapin ng gobyerno ang matibay na katotohanan na matindi ang impluwensiyang social media sa bata. “Whether a child is bullied or not, violent content, online threats, dangerous trends and hateful behavior can plant ideas in young minds and give them the confidence to act on things they should never even consider.”
Dahil dito, suportado ni Zubiri ang panukalang maghain ng isang panukalang batas tulad sa Australia at iba pang bansa na mahigpit na ipagbawal ang social media platform sa menor de edad.
“That is why I support a serious discussion on banning or strictly limiting social media access for young children. Kailangan na nating bantayan nang mas maigi ang mga bata online, dahil sa edad nila, mabilis silang maimpluwensiyahan ng mga nakikita, nababasa at napapanood nila sa social media,” ayon kay Zubiri.
Sinabi ng mambabatas na may nakabinbin na panukalang batas sa Senado, ang Social Media Safety for Children Act, na naglalayong ipgbawal ang kabataan na may edad 16 pababa na magparehistro, makapasok at magkaroon ng sariling social media accounts.
“Hindi tayo nag-iisa dito: Australia has already banned social media for children under 16, while the United Kingdom, France, Denmark, Greece, Spain, Malaysia, the UAE and other countries have moved or are moving toward stricter age limits, age verification and tighter protections for minors online,” aniya.
“We should also explore the possibility of amending the Juvenile Justice and Welfare Act and study whether minors as young as 14 who commit heinous crimes such as murder, rape and similar grave offenses should be tried as adults, with due process, discernment and rehabilitation still properly considered,” dagdag ng senador.
Kailangan din tugunan ng awtoridad ang isyu ng seguridad na lumutang sa pamamaril sa Tacloban upang maiwasan ang panibagong Insidente at nalalagay sa panganib ang mag-aaral.
“Kailangang malaman kung paano nakapasok ang baril sa campus, ano ang security gaps and what practical safeguards must be put in place so this will never happen again,” ayon kay Zubiri.
Aniya, kung may isyu ng pondo para sa security personnel, kagamitan, pagsasanay, inspection system at tamang screening measure, kailangan nang kumilos ang Kongreso sa pamamagitan ng Senado na talakayin ang kailangang suporta na makatutulong na maging ligtas ang ating paaralan.
“Dapat ay may maayos na bag inspection sa entrances, not only for students but also for school personnel, visitors and everyone entering school premises, with respect and dignity observed at all times,” giit ng senador.
“My prayers are with the families of the victims as they seek comfort, justice and peace. Hinihiling ko sa lahat ng concerned government agencies: act with urgency, strengthen school security, protect our children online and make sure no other family will have to suffer this kind of heartbreak again,” dagdag ng mambabatas. Ernie Reyes