MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na sa ngayon ay walang posisyon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaugnay sa panawagan ni Senador Robin Padilla na amiyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act at mas ibaba ang edad ng criminal liability sa 10 taong gulang.
Ang katuwiran ni Padilla ito kasi ang sinusunod ng mga bansa sa Europa.
“Sa ngayon ay walang posisyon ang Pangulo kung anong edad pero kung sina-suggest nila ay twelve years old, ito ay resonableng edad,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Nauna rito, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na suportado nito ang panawagan na amiyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act at kung sila ang tatanungin ay mas ibaba ang edad ng criminal liability sa 12 taong gulang.
Tugon ito ni PNP Information Chief at spokesperson Police Colonel Allen Rae Co sa naging panawagan ni Padilla na dapat ibaba sa 10 taong gulang ang edad na maaring sampahan ng kaso matapos ang insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
“The PNP is supporting the lowering the age of criminal responsibility po,” ayon kay Co.
At nang tanungin kung anong edad ang sinusuportahan ng PNP, ang tugon ni Co ay “We are thinking 12 years old po.”
Sa ulat, naniniwala kasi si Padilla na panahon na para amiyendahan ang Juvenile Justice and Welfare Act dahil dumarami na ang krimen na kinakasangkutan ng mga kabataan na hindi naman basta-basta puwedeng ikulong dahil sa batas.
Ipinaliwanag ng senador nais niyang ibaba sa 10 ang edad ng criminal liability dahil ito ang sinusunod ng mga bansa sa Europa.
Aniya, sa Europe mismo na sinasabing nandoon ang “human rights” ay 10 taong gulang ang sinusunod na edad para sampahan ng kasong kriminal ang isang nagkasala.
Idinagdag ni Padilla na sunud-sunod na ang mga naitatalang krimen na kinasasangkutan ng mga kabataan kaya panahon na upang aksiyunan ng Kongreso ang kanyang panukala. (KRIS JOSE)