Home OPINION DAPAT NA BANG IBABA EDAD NG PANANAGUTANG KRIMINAL?

DAPAT NA BANG IBABA EDAD NG PANANAGUTANG KRIMINAL?

2
0

MULING nabuhay ang matagal nang usapin tungkol sa pagbaba ng edad ng pananagutang kriminal sa bansa matapos ang nakagigimbal na insidente ng pamamaril sa loob mismo ng San Jose National High School sa Tacloban City na kinasangkutan ng mga menor de edad.

Ang trahedyang ito ay hindi lamang nagdulot ng takot at pangamba sa publiko, kundi nagbukas din ng seryosong talakayan kung ang kasalukuyang Juvenile Justice and Welfare Act ay naaayon pa ba sa realidad ng makabagong panahon.

Sa ilalim kasi ng umiiral na batas sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act, ang mga batang nasa edad 15 pababa ay hindi itinuturing na kriminal na mananagot sa parehong paraan ng mga nasa hustong gulang.

Layunin ng batas na ito ay mabigyan sila ng pagkakataong magbago sa pamamagitan ng rehabilitasyon sa halip na kaparusahan. Maganda ang layunin ng batas, lalo na kung ang bata ay naging biktima lamang ng kapabayaan, kahirapan, o maling impluwensya ng kanyang kapaligiran.

Ngunit marami ang nagtatanong kung sapat pa ba ang ganitong pananaw sa panahon ngayon?

Maging si Social Welfare Secretary Rex Gatchalian ay nagpahayag ng pagsang-ayon na pag-aralan ang posibilidad ng pagbabago sa batas dahil ayon sa kanya, iba na ang takbo ng isip ng mga kabataan sa kasalukuyang panahon.

Sa murang edad aniya ay may ‘access’ na sila sa internet, social media, at iba’t ibang impormasyong dating hindi madaling maabot ng mga bata kaya mas maaga silang namumulat sa mga bagay na may kinalaman sa responsibilidad at maging sa mga gawaing labag sa batas.

Hindi naman nangangahulugan na kapag ibinaba ang edad ng criminal responsibility ay agad nang mawala ang proteksyon para sa mga menor de edad.

Ang punto ng marami ay dapat magkaroon ng mas malinaw na pananagutan para sa mga kabataang sangkot sa mabibigat na krimen tulad ng pagpatay, panggagahasa, at iba pang karumal-dumal na krimen.

Sa kabilang banda, hindi rin dapat kalimutan na maraming kabataang nalilihis ng landas dahil sa kakulangan ng gabay mula sa pamilya at komunidad. Kaya naman anomang pagbabago sa batas ay dapat samahan ng mas matibay na programa sa edukasyon, mental health support, at rehabilitasyon.

Ang nangyari sa Tacloban ay isang malungkot na paalala na nagbabago ang mukha ng kriminalidad. Kung nagbabago ang panahon at pag-iisip ng kabataan, marahil ay panahon na ring repasuhin ang mga batas na sumasaklaw sa kanila, hindi upang pahirapan ang mga bata, kundi upang tiyakin na may balanse sa pagitan ng pagkakataong magbago at pananagutan sa nagawang kasalanan.

Sa usaping ito, ang pinakamahalagang tanong ay hindi kung gaano kabata ang nagkasala, kundi kung paano maipagkakaloob ang hustisya nang hindi isinasakripisyo ang kinabukasan ng susunod na henerasyon.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here