CALOOCAN CITY, Philippines – Di na nakapalag ang isang driver nang arestuhin ito sa kaso ng pagpatay sa naganap na pagtuhis ng pulisya napaulat kagabi sa Caloocan City.
Ang 47-anyos na akusado na kabilang sa talaan ng mga Most Wanted Person (MWP) ng Caloocan -PNP ang inaresto matapos matunton ng mga tauhan ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang kinaroroonan nito sa Brgy., 176, kasunod ng intelligence gathering at koordinasyon sa mga source ng komunidad.
Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, ang akusado ay may nakabinbing arrest warrant na inisyu ng Regional Trial Court Branch 125, Caloocan City, noong May 3, 2023, para sa kasong Murder.
Nang makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Col. Goforth na naispatan ang presensya ng akusado sa Barangay 176, kaagad ikinasa ng mga tauhan ng Camarin Police Sub-Station 10 ang manhunt operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya dakong alas-6:35 ng gabi.
Inaresto ang akusado sa bisa ng nasabing warrant na walang inirekomendang piyansa bago siya dinala sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium para sa medical examination.
Pansamantalang nananatili ang akusado sa custodial facility unit ng Caloocan CPS habang hinihintay ang commitment order ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Caloocan City Jail. (Merly Duero)