MANILA, Philippines – Nakatanggap si Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Huwebes ng garantiya mula sa liderato ng Philippine National Police (PNP) na nagpapatuloy ang internal cleansing na kanyang sinimulan sa institusyon mahigit 20 taon na ang nakalilipas.
Inihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na kabilang ang PNP sa mga pinaka-pinagkakatiwalaang organisasyon sa bansa sa ilalim ng pamumuno ni P/Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., na binanggit ang mga naging bunga ng internal cleansing na sinimulan ni Lacson.
“I’m very proud to say, Sir, that the PNP has now become one of the most trusted organizations in the country under the leadership of Gen. Nartatez. Wala na pong ninja cops, wala na pong kotong cops, na crusade ni Senator Lacson. Wala na din pong gun-for-hire syndicates na pulis nawala na rin. Kidnapping wala na rin. Ang nahahanap po namin, yung mga kidnappers na nahuhuli namin ngayon ay dishonorably dismissed policemen,” sinabi ni Remulla kay Lacson sa Senate subcommittee hearing sa panukalang badyet ng DILG para sa 2027.
Nang pamunuan ni Lacson ang PNP mula 1999 hanggang 2001, pinangunahan niya ang kampanya upang alisin sa institusyon ang mga tinaguriang scalawag na pulis, kabilang ang mga kotong cops at iba pang abusadong pulis.
Itinatag din niya sa loob ng PNP ang 85-15 formula kung saan hindi bababa sa 85 porsiyento ng mga tauhan at resources ay itinalaga sa field, habang 15 porsiyento lamang ang nananatili sa headquarters.
Nakatulong ang sistemang ito upang palakasin ang presensya ng police force sa field at makapag-ambag sa mataas na tiwala at approval ratings ng publiko sa PNP noong panahon ng pamumuno ni Lacson.
Para naman kay Nartatez—na nagsilbing aide-de-camp ni Lacson mula 1998 hanggang 2001—ipinagpatuloy nila ang 85-15 formula ni Lacson at pinalawak pa ito sa 90-10.
“Yes, that’s the policy. We even stretched it to 90-10,” aniya. Ernie Reyes