SA gitna ng sunod-sunod na karahasang yumanig sa bansa—ang pananaksak sa Cavite, pamamaril sa Tacloban, at ang trahedyang pagkalunod ng dalawang student-athletes ng Ateneo de Manila University—isang mabigat na katotohanan ang humaharap sa taumbayan: habang dumarami ang biktima, tila dumarami rin ang ingay ng bangayan sa Senado.
Habang ang mga pamilya ay nakikipaglaban sa lungkot at trauma, at habang ang mga komunidad ay unti-unting nilalamon ng takot at kawalan ng kapanatagan, ang inaasahan sanang sandigan ng batas at solusyon ay madalas nauuwi sa parinig, palitan ng akusasyon, at pulitikal na banggaan.
Ang Senado na dapat ay simbolo ng karunungan at direksyon ay nagiging entablado ng walang katapusang tunggalian.
Hindi maitatanggi na ang debate ay mahalaga sa demokrasya. Ngunit kung ang debate ay nagiging ingay na lamang na hiwalay sa konkretong aksyon, nawawala ang tunay na saysay ng kapangyarihang ipinagkaloob ng bayan.
Ang mga insidente ng karahasan at aksidente ay hindi dapat tinatalakay lamang sa mga press conference at hearing na nauuwi sa sisihan—kundi dapat tinutugunan ng agarang polisiya at mahigpit na implementasyon.
Ang pananaksak sa Cavite ay sumisigaw ng pangangailangan ng mas matibay na crime prevention at mabilis na hustisya. Ang pamamaril sa Tacloban ay patunay na ang kapayapaan ay hindi pa ganap na nararamdaman sa maraming lugar. At ang trahedya sa Ateneo ay isang masakit na paalala na kahit ang mga kabataan sa ligtas na espasyo ay hindi ligtas sa kapahamakan kung kulang ang disiplina at safety standards.
Sa ganitong panahon, hindi dapat ang tanong ay kung sino ang tama sa pulitika, kundi kung sino ang gumagawa ng kongkretong hakbang para pigilan ang susunod na biktima.
Ngunit sa halip na pagkakaisa, nakikita ng publiko ang mga lider na abala sa bangayan, tila mas mahalaga pa ang posisyon kaysa proteksyon ng mamamayan.
Panahon na upang itigil ang palabang pulitika sa loob ng Senado. Dahil sa labas ng kapulungan, ang tunay na laban ay hindi sa pagitan ng mga senador sa halip ay sa pagitan ng batas at kriminalidad, pagitan ng aksyon at kapabayaan, pagitan ng buhay at kamatayan.
At sa laban na iyon, ang bayan ang talo kapag ang mga pinuno ay abala sa kanilang sarili diskurso.






