Home OPINION MARAHAS NA KABATAAN

MARAHAS NA KABATAAN

3
0

TATLONG kabataan ang pinagbabaril hanggang sa mamatay at batay sa pinakahuling ulat, dalawampu pa ang nasugatan.

Sa mga nasugatan, 15 sa kanila ay dahil sa pamamaril, ang isa ay nasa kritikal pa habang ang 5 ay bunsod ng nangyaring takbuhan o pagpapanik matapos ang marahas na pamamaril na isinagawa ng dalawang mag-aaral na tinedyer noong Lunes ng umaga sa Tacloban National High School.

Naaresto rin kaagad ang dalawang menor de edad na namaril at ayon sa ulat, ikinatwiran nila sa pulisya na sila ay biktima ng pambu-bully sa loob ng paaralan.

Nakita ng ilang saksi na nagkarga pa ng bala sa baril ang mga suspek kaya umaabot sa 40 piraso ng basyo ang nakuha sa pinangyarihan ng krimen.

Ngayo’y maraming nagnanais na himayin muli ang Batas Republika Blg. 9344 o ang Juvenile Justice Welfare Act na naisabatas noong 2006, dahil sa pagdami ng mga menor de edad na nasasangkot sa karahasan.

Hinihiling nila na ibaba ang pinakamababang edad ng pananagutang kriminal mula sa kasalukuyang 15-anyos patungong 12 o 13 taong gulang.

Sa pagbabago ng batas noong 2013 sa ilalim ng Republic Act 10630, itinatakda na ang mga batang may edad 12 hanggang 15 na gumawa ng mabibigat na krimen tulad ng pagpatay sa kapamilya, pagpatay sa kapwa, pagkidnap, panggagahasa, at pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot ay ilalagay sa mga pasilidad para sa kabataan ng pamahalaang lokal upang sumailalim sa mga programang pagtutuwid at paggabay.

Gayunman, ang mga kabataang higit sa 15 ngunit wala pang 18 ang edad na nakagawa ng mabibigat na krimen ay maaaring harapin ang kaso sa hukuman kung mapatutunayang kumilos sila nang may wastong pag-unawa at ganap na kaalaman sa tama at mali.

Naganap ang karahasan sa Tacloban kasunod ng isa pang marahas na insidente sa Bethel Academy sa Lungsod ng General Trias, Cavite noong ika-16 ng Hunyo.

Isang 14-anyos na babaeng mag-aaral ng Ika-8 Baitang ang nanaksak ng 7 mag-aaral sa Ika-5 Baitang sa nasabing pribadong paaralan.

Noong nakaraang Biyernes, isang 18-anyos na mag-aaral ng hayskul ang sinaksak ng kaalitang kaklase sa Cavite National High School sa Lungsod ng Cavite.

Ipinapakita ng mga karahasang ito sa paaralan na mahina ang sistema ng mental healthcare sa bansa.

Maraming iba pang ambag sa karahasan sa paaralan at bullying–gaya ng magulong kapaligiran sa tahanan.

Ang mga paaralan ay inatasang magbigay ng mental health services ngunit ang kakayahan at resources ay kapos na kapos. Sa pagpatay sa tatlong estudyante, sana ay mabigyan ang isyung ito ng agarang atensyong nararapat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here