Home NATIONWIDE Safety protocols, presensya ng parak sa iskul, palalakasin ng DepEd

Safety protocols, presensya ng parak sa iskul, palalakasin ng DepEd

4
0

MANILA, Philippines – Isinusulong ng Department of Education (DepEd) ang pag-update ng school safety protocols at pagdaragdag ng presensya ng pulisya sa mga paaralan kasunod ng magkakasunod na insidente ng karahasan sa mga pampublikong eskuwelahan.

Sa pagbisita ni Education Secretary Sonny Angara sa San Jose National High School sa Tacloban City nitong Martes, sinabi niyang kinakailangan ang mas mahigpit na hakbang matapos ang mga insidente sa Tacloban City, General Trias City at Cavite City.

“Hindi lang siya peace and order problem. Tingin namin, kailangang i-manage din iyong mga bata kasi exposed sila to a lot of violence online,” ani Angara.

Nagpahayag din siya ng pangamba sa posibilidad ng mga “copycat killings” na nakikita rin sa ibang bansa.

“We’re very concerned na ayaw natin, kasi nga mayroon sa US na parang may copycat killings,” aniya.

Ayon kay Angara, tinitingnan ng DepEd ang pagbuo at pag-update ng mga protocol para sa active shooter situations upang mabawasan ang posibleng bilang ng mga nasasawi at nasusugatan sa mga ganitong insidente.

“I think what we have now, ano ‘yung protocol, which we never had before, ‘yung protocol kapag mamamaril na,” aniya.

“It’s something we never thought was applicable, pero mayroon palang ganyang protocol, we just have to update it.”

Suportado rin ng kalihim ang mas mataas na police visibility sa mga paaralan dahil naniniwala ang mga guro na nakatutulong ito bilang panakot sa posibleng karahasan.

Hinimok din niya ang mga guro at school officials na mas tutukan ang kalagayan at pag-uugali ng mga mag-aaral upang agad na matukoy ang mga problemang maaaring humantong sa karahasan.

Kasunod ito ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng 20 iba pa, gayundin ng magkahiwalay na pananaksak na kinasangkutan ng mga estudyante sa Cavite City at General Trias City.

Samantala, nanawagan ang Catholic Educational Association of the Philippines (CEAP) sa DepEd at Commission on Higher Education na higit pang palakasin ang values formation, emotional well-being, at social responsibility ng mga mag-aaral kasunod ng mga karahasang naganap sa loob ng mga paaralan. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here