Home METRO Masusing imbestigasyon sa sexual harassment sa PNHS, iniatas ni Mayor Olivarez

Masusing imbestigasyon sa sexual harassment sa PNHS, iniatas ni Mayor Olivarez

5
0
(c) Kabataan Partylist

MANILA, Philippines – Nag-utos si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ng masusing imbestigasyon sa viral na insidenteng kinasasangkutan umano ng isang guro at estudyante sa loob ng silid-aralan sa Parañaque National High School-Main.

Hinimok ni Olivarez ang Department of Education (DepEd) at pulisya na alamin ang buong katotohanan sa insidente na nagdulot ng matinding reaksiyon sa social media.

Mariin niyang kinondena ang umano’y pangyayari at iginiit na walang lugar ang ganitong mga insidente sa mga paaralan.

“Such acts have no place in our schools, which should serve as safe spaces where children can learn, grow, and develop in a secure environment,” ani Olivarez.

Tiniyak din ng alkalde ang suporta ng pamahalaang lungsod sa mga biktima at kanilang pamilya sa paghahanap ng hustisya at pananagutan.

Naging viral ang insidente matapos kumalat sa social media ang video na umano’y nagpapakita ng hindi angkop na pag-uugali ng isang lalaking guro at estudyante sa loob ng isang silid-aralan sa paaralan sa Barangay San Dionisio.

Lalo pang umugong ang isyu matapos mag-walkout ang daan-daang estudyante noong Lunes at magtipon sa harap ng paaralan upang kondenahin ang insidente at ipahayag ang kanilang pangamba sa kaligtasan ng mga mag-aaral.

Ayon sa Schools Division Office (SDO) ng Parañaque, agad itong nagsagawa ng imbestigasyon matapos makatanggap ng mga ulat at makita ang mga video na kumakalat online.

Binigyang-diin ng SDO na tinatrato nito ang mga alegasyon nang may “utmost seriousness, urgency, and impartiality” at isinasagawa ang kaukulang administrative at legal procedures alinsunod sa umiiral na batas at mga patakaran ng DepEd.

Tiniyak din ng mga opisyal ng edukasyon na poprotektahan ang karapatan at kapakanan ng lahat ng sangkot habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. James Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here