MANILA, Philippines – Sugatan ang isang Grade 9 student matapos saksakin ng isang Grade 10 student sa San Carlos City, Negros Occidental nitong Martes ng hapon, Hunyo 23.
Ayon sa Police Regional Office-Negros Island Region (PRO-NIR), naganap ang insidente dakong alas-3:40 ng hapon sa Teachers Village, Barangay 2, sa labas ng Julio Ledesma National High School (JLNHS). Kapwa 17-anyos ang biktima at suspek.
Nagtamo ng saksak sa kanang bahagi ng ibabang tiyan ang biktima at agad na isinugod sa San Carlos City Hospital. Nananatili itong nasa maayos na kondisyon at patuloy na ginagamot.
Naaresto naman ang suspek sa isinagawang hot pursuit operation ng pulisya at narekober ang patalim na ginamit sa pananaksak.
Batay sa paunang imbestigasyon, nag-ugat umano ang insidente sa isang lumang personal na alitan ng dalawa.
Sa pahayag ng Julio Ledesma National High School, naganap ang pananaksak sa labas ng paaralan. Ayon pa sa pamunuan, bago ang insidente ay nagsabi umano ang biktima sa kanyang class adviser tungkol sa isang banta sa kanyang kaligtasan.
“Before the incident, the learner had communicated to the class adviser about a perceived threat. In response, the adviser instructed the learner not to leave the school campus while efforts were being made to contact the parent or guardian,” ayon sa pahayag ng JLNHS.
Gayunman, umalis umano sa paaralan ang estudyante sa kabila ng paalala at mga hakbang na ginagawa ng guro.
Bilang tugon, sinabi ng paaralan na higit pang pinaigting ang seguridad sa campus at nagsasagawa na ng mga pagpupulong upang repasuhin at palakasin ang mga umiiral na safety protocols.
Samantala, inilarawan ni Negros Occidental Governor Eugenio Jose Lacson bilang nakakabahala ang mga nagaganap na insidente ng karahasan sa loob at paligid ng mga paaralan.
“The recent incidents of violence that occurred within and around school campuses are deeply disturbing and serve as a stark reminder of our shared responsibility to protect our children,” ani Lacson.
Nanawagan din ang gobernador sa mga school officials, lokal na pamahalaan, mga magulang, at law enforcement agencies na magtulungan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral. Mary Anne Sapico