MANILA, Philippines — Iniimbestigahan ng Philippine Army ang alegasyon na ilang National Guard trainees ang pisikal na sinaktan ng isang instructor sa loob ng Camp Capinpin sa Tanay, Rizal, ilang araw bago ang kanilang pagtatapos.
“We are currently investigating the situation, the reported incident at a division training school,” ayon kay Army Second Infantry Division spokesperson Colonel Michael Aquino.
“The Philippine Army will not tolerate any breach of discipline within its ranks. Once proven guilty—if a breach has been conducted—of course, they will be made answerable,” dagdag niya.
Ayon sa isang graduating trainee, isang staff sergeant ang umano’y nanakit sa ilang recruit sa isang fellowship activity noong Lunes ng gabi matapos umanong magalit dahil hindi agad nakabuo ng formation ang mga trainee. Iniulat din na nasa impluwensiya umano ng alak ang instructor nang mangyari ang insidente.
Sinabi ng trainee na hindi bababa sa 10 recruit ang sinipa at sinuntok, at ilan sa mga ito ang nagtamo umano ng pinsala sa tagiliran at tadyang.
Ayon kay Aquino, patuloy pang inaalam ng Second Infantry Division kung ano talaga ang nangyari sa nasabing aktibidad.
“Information gathered is that they had a sanctioned activity. There was an incident… That’s what we’re investigating, what really happened,” aniya.
Nanatili umano ang instructor sa training school ngunit isinailalim na ito sa isolation alinsunod sa umiiral na protocol habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Binubuo ng 200 trainees ang training class, at ayon kay Aquino, tuloy pa rin ang graduation ceremony na nakatakda sa Hunyo 24. Dave Baluyot