MANILA, Philippines – TINANGGAL na sa puwesto ang isang pulis na inireklamo ng panghihipo sa babaeng bumibili sa isang sari-sari store sa Caloocan City.
Sa ulat, nangyari ang insidente noong Setyembre 8, 2026 ng alas-8:20 ng gabi sa isang sari-sari store sa Barangay 171, Bagumbong kung saan nahagip ng kuha ng CCTV ang ginawang panghihipo umano ng pulis na si alyas “JRT” na may ranggong Master Sergeant sa puwet ng biktima.
Hindi umano na-aksyunan ang reklamo ng biktima kaya lumapit ito sa isang malaking television network (GMA) upang doon magsumbong.
Bukod kay alyas “JRT”, pinai-imbestigahan din ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili kay Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang mga nakatalaga sa Bagumbong Police Sub-Station dahil sa posibleng pagkukulang, kapabayaan, at pagkakamali sa pagsisiyasat na naging dahilan ng pagkabigong aksiyunan kaagad ang reklamo ng biktima.
Binigyang diin ni BGen. Capili na lahat ng reklamo na kinasasangkutan ng mga pulis ay nararapat lang na seryosong bigyan ng pansin at aksiyunan ng mabilis batay sa makakalap na ebidensiya na naaayon sa batas, panuntunan, at regulasyon.
Isinailalim na sa restrictive custody si alyas JRT na posibleng maharap mga kasong kriminal at administratibo tulad ng Grave Misconduct, Acts of Lasciviousness, at paglabag sa Safe Spaces Act o mas kilala bilang Anti-Bastos Law.
Ayon pa sa NPD, patuloy nilang itataguyod ang propesyonalismo, pananagutan, at paggalang sa mga karapatan at dangal ng bawat indibidwal, habang tiniyak na maipapatupad ang tamang proseso ng batas para sa makatarungang paglilitis. Merly Duero