Home NATIONWIDE EcoWaste nanawagan ng water management, conservation sa halip na panic buying

EcoWaste nanawagan ng water management, conservation sa halip na panic buying

11
0

MANILA, Philippines – Hinimok ng environmental group na EcoWaste Coalition ang pamahalaan at mga komunidad na pagtuunan ng pansin ang maagang pagpaplano, pagtitipid at patas na distribusyon ng tubig sa halip na panic buying ng bottled water at mga plastic container habang naghahanda ang bansa sa posibleng “very strong” El Niño.

Ayon kay EcoWaste Coalition program manager at environmentalist Jove Benosa, dapat munang tukuyin ng mga awtoridad ang kasalukuyang pinagkukunan ng tubig, tantiyahin ang available na suplay at itugma ito sa pangangailangan ng mga household, industriya at sektor ng agrikultura.

“Tingin ko napaka-importante iyong maagang pagpaplano. Magandang i-prioritize iyong pagko-conserve ng tubig at mga katubigan,” ani Benosa.

Binigyang-diin niya na dapat bigyang-pansin ang mga komunidad na limitado ang access sa maaasahang water system, lalo na ang mga residenteng kinakailangang bumiyahe nang malayo upang makakuha ng tubig.

Mahalaga rin aniya na matukoy ang pangangailangan ng mga ordinaryong household, industriya at agrikultura dahil kabilang ang mga ito sa mga sektor na posibleng higit na maapektuhan ng kakulangan sa tubig.

Napansin din ni Benosa na may mga komunidad na umaasa pa rin sa malalayong pinagkukunan ng tubig, kung saan hindi palaging natitiyak kung ligtas at malinis ang tubig na kanilang nakukuha.

Kasabay ito ng pagpapalakas ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa paghahanda para sa El Niño, kabilang ang paglikha ng karagdagang water sources, rainwater harvesting, water conservation at pangangalaga sa watersheds.

Ayon kay Benosa, dapat palawakin ang paggamit ng rainwater-harvesting system sa antas ng komunidad at, kung posible, maging sa mga kabahayan upang makatulong sa suplay kapag kakaunti ang ulan.

“Kapag sinabi kong infrastructural support, kasama na dito iyong mga rainwater harvesting na pwedeng ma-adapt sa mga community level. Mas maganda na may mga sistema na supporting structure na magbibigay at mag-e-ensure ng water supply,” ani Benosa.

Hinimok din niya ang mga lokal na pamahalaan na magtakda ng water-rationing protocol bago maging kritikal ang kakulangan, partikular sa mga lugar na limitado ang access sa tubig.

Dapat aniyang malinaw sa naturang protocol kung aling sektor ang bibigyang-prayoridad, pati ang iskedyul, oras ng delivery at dami ng tubig na maaaring makuha sa bawat araw.

Nagbabala rin si Benosa laban sa labis na pag-iimbak ng bottled water at plastic container dahil maaari itong humantong sa hoarding at profiteering.

Sa halip, iminungkahi niyang palakasin ang mga water-refilling system kung saan maaaring kumuha ng malinis na tubig ang mga residente gamit ang reusable containers.

“Instead siguro na mag-imbak ng mga tubig na tulad ng mineral, makakatulong kung mas i-manage natin iyong supply ng ating tubig. Gumamit tayo ng mga mas reusable na lalagyan,” aniya.

Maaari rin aniyang magsilbing lugar para sa water rationing ang mga community water-refilling station, habang nababawasan ang paggamit ng bottled water at ang dami ng plastic waste.

Para kay Benosa, hindi dapat limitado sa inaasahang panahon ng tagtuyot ang paghahanda. Aniya, nangangailangan ang El Niño at climate change ng pangmatagalang water management sa halip na mga hakbang na isinasagawa lamang kapag malala na ang kakulangan.

Sa mga kabahayan, hinimok niya ang mga residente na regular na suriin ang mga tumutulong tubo at sirang gripo at ipaliwanag sa bawat miyembro ng pamilya ang kahalagahan ng hindi pagsasayang ng tubig.

Dapat aniyang maging bahagi ng pang-araw-araw na gawain ang responsableng paggamit ng tubig, kabilang sa pag-inom, pagligo, paglalaba, pag-aalaga ng mga alagang hayop at pagdidilig ng halaman.

“Bahagi dapat ito ng ordinaryong buhay at hindi lang sa ngayon na nararanasan na natin itong paparating na El Niño. I think napaka-importante iyong gawain na mamulat tayo sa pagiging hindi aksayado at pagiging masinop sa buhay sa paggamit ng mga resources na ito,” pahayag ni Benosa. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here