MANILA, Philippines – ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., inatasan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng komprehensibong pagsusuri sa umiiral na mga polisiya sa seguridad sa mga paaralan.
Ito ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at kawani ng paaralan at maiwasang maulit ang insidente ng pamamaril na naganap sa San Jose National High School sa Tacloban City nitong Lunes na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng 20 iba pa.
Sa isang press briefing sa Malakanyang, inilatag ni PNP Spokesperson Col. Allen Rae Co ang mga hakbang na isinasagawa ng kanilang ahensya kaugnay ng insidente.
Ayon kay Co, kasalukuyang nire-review ng PNP ang umiiral na mga security protocol at iba pang hakbang para sa kaligtasan sa lahat ng institusyong pang-edukasyon.
Inirerekomenda rin ng PNP na isa o dalawang gate lamang ang buksan ng mga eskuwelahan upang mapalakas ang seguridad at mas maayos na makontrol ang pagpasok at paglabas ng mga tao sa loob ng paaralan.
“Palalakasin po natin ‘yung coordination mechanism between law enforcement, the barangays, as well as the schools po natin,” ani Co.
Tiniyak naman ng opisyal na sinusuri na ng PNP ang pagpapatupad ng mga polisiya laban sa pambu-bully upang matiyak na hindi lamang ito nakasulat sa mga patakaran kundi aktibong naipatutupad.
Bukod dito, nangako rin ang PNP na paiigtingin ang mekanismo ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiya ng law enforcement, mga opisyal ng barangay, at mga awtoridad ng paaralan upang mapalakas ang palitan ng impormasyon at mas mapabilis ang pagtugon sa mga insidente.
Upang higit na mapahusay ang kahandaan sa oras ng krisis, plano rin ng PNP na magsagawa ng mga simulation exercise at emergency response drills upang mabigyan ang mga estudyante, guro, at iba pang kawani ng paaralan ng sapat na kaalaman at kasanayan sa tamang pagtugon sa mga emergency, kabilang ang mga insidente ng active shooter.
Sa ngayon, nag-deploy na aniya ang PNP ng mga pulis sa mga paaralan, ngunit iginiit niya ang mas matibay na suporta mula sa mga lokal na komunidad at mga lokal na pamahalaan, lalo na sa tulong ng mga force multiplier gaya ng mga barangay tanod upang mapanatili ang seguridad sa mga paaralan.
“Kasama rito ay humihingi kami ng tulong at suporta ng local community, ng LGU, at lalung-lalo na ng barangay. Makakatulong po iyong mga tinatawag nating force multipliers, iyong mga barangay tanod, para mas mabantayan at mas magawa nating mas maayos ang kalagayan ng ating mga paaralan,” ani Co. Kris Jose