MANILA, Philippines — Umabot sa mahigit ₱13.5 bilyong halaga ng mga smuggled na sigarilyo at iba pang produktong tabako ang nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) sa loob lamang ng nakalipas na limang buwan, dahilan upang kilalanin ang ahensya sa Third International Tobacco Summit na ginanap sa Pasig City.
Iginawad ng National Tobacco Administration (NTA) ang pagkilala kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno bilang pagkilala sa pinaigting na kampanya ng ahensya laban sa iligal na kalakalan ng tabako at iba pang uri ng smuggling.
Ayon sa BOC, nakapagsagawa ang ahensya ng 187 enforcement operations sa iba’t ibang bahagi ng bansa na nagresulta sa pagkakasamsam ng bilyun-bilyong pisong halaga ng mga kontrabandong sigarilyo at tobacco products.
Binigyang-diin ng NTA na malaki ang naging papel ng BOC sa pagprotekta sa kita ng pamahalaan, pagpigil sa pagpasok ng mga iligal na produkto, at pagpapanatili ng patas na kompetisyon para sa mga lehitimong negosyante sa industriya ng tabako.
“Malaking karangalan para sa Bureau of Customs na matanggap ang pagkilalang ito, na nagpapatibay sa aming patuloy na paglaban sa illicit tobacco trade at iba pang uri ng smuggling,” ayon kay Nepomuceno.
Dagdag pa niya, magsisilbing inspirasyon ang naturang pagkilala upang higit pang paigtingin ng Customs ang mga hakbang laban sa mga sindikatong sangkot sa smuggling at customs fraud.
Sa summit, tinalakay rin ni Deputy Commissioner PMGen Emmanuel Luis D. Licup (Ret.) ng Intelligence Group ang mga hakbang ng BOC upang matiyak na maayos na nahahawakan, nasisira, at hindi na muling nakababalik sa merkado ang mga nakukumpiskang iligal na produktong tabako.
Pinagsama-sama ng pagtitipon ang mga opisyal ng gobyerno, law enforcement agencies, mga kinatawan ng industriya, at international partners upang pag-usapan ang mas matibay na kooperasyon laban sa illicit tobacco trade na patuloy na nakaaapekto sa kita ng pamahalaan at lehitimong kalakalan.
Ayon sa BOC, ang pagkilalang natanggap nito ay patunay ng tagumpay ng pinaigting na kampanya ng ahensya sa ilalim ng pamumuno ni Nepomuceno at ng programang Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) Movement, na naglalayong gawing mas epektibo at moderno ang operasyon ng Customs sa bansa. JAY Reyes