MANILA, Philippines – IBABALIK ng gobyerno ang pondo para sa flood control projects sa panukalang national budget para sa 2027 matapos itong makatanggap ng zero funding noong nakaraang taon dahil sa corruption scandal.
Kinumpirma ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang mga naunang ipinatigil na flood control projects ay maaaring maisama pa sa National Expenditure Program (NEP) para sa taong 2027, depende sa pagiging balido at aktuwal na pangangailangan upang makumpleto ang mga ito.
Ang executive branch, partikular ang Department of Budget and Management (DBM), ang naghahanda ng NEP, na magsisilbing blueprint para sa mga gastusin ng gobyerno sa susunod na taon. Isinusumite ito sa Kongreso bilang batayan para sa General Appropriations Bill, na pagkatapos ay ipinapasa ng Kongreso at nilalagdaan ng Pangulo upang maging ganap na batas bilang General Appropriations Act.
Ayon kay Castro, kasalukuyang nirerebisa ng gobyerno kung ang mga suspendidong flood mitigation projects sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay lehitimo at kinakailangan, lalo na ang mga ipinahinto dahil sa iregularidad o kakulangan sa pagpapatupad.
“It depends, because if that is a legitimate flood control project that was only stopped due to non-implementation — if it became ghost projects but still needs to be done — then it has to be funded,” ani Castro.
Nang tanungin naman si Castro kung paano masisiguro ng administrasyon na hindi na mauulit ang malawakang korapsyon sa flood control spending, sinabi niyang nagpapatupad ang gobyerno ng mas mahigpit na monitoring at review mechanisms.
“President Marcos promised there will be no repeat of the flood control mess,” aniya.
Sinabi pa ni Castro na itinalaga si DPWH Secretary Vince Dizon sa departamento upang tiyakin na maisasagawa ang mga reporma sa ahensiya. Kris Jose