TACLOBAN CITY — Dumalaw si Vice President Sara Duterte sa burol ng mga biktima ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City nitong Miyerkules ng madaling araw upang makiramay sa mga naulilang pamilya at tiyaking maipagkakaloob ang hustisya sa mga biktima.
Dumating si Duterte dakong alas-5 ng umaga at personal na nakausap ang mga kaanak ng mga nasawi sa insidenteng ikinamatay ng tatlong menor de edad at ikinasugat ng 20 iba pa noong Lunes.
Ayon sa pulisya, dalawang estudyante ang nagpaputok ng baril sa loob ng paaralan. Nagsampa na rin ng mga reklamong kriminal ang Police Regional Office 8 (PRO-8) laban sa isang 15-anyos na suspek.
Samantala, bumisita rin si Duterte sa Nunungan, Lanao del Norte noong Martes bilang panauhing pandangal sa pagdiriwang ng ika-60 Araw ng Nunungan. Nagtanim siya ng puno at namahagi ng tulong sa mga residente.
Sa kanyang talumpati, pinasalamatan niya ang mga residente sa patuloy na suporta sa dating Pangulong Rodrigo Duterte at ibinahagi ang kanyang karanasan sa nagdaang lindol sa Mindanao.
Nanawagan din siya sa mga Pilipino na huwag mawalan ng pag-asa sa kabila ng mga hamong kinakaharap ng bansa.
“Marami sa atin ang pagod na, galit na, at sawang-sawa na sa mga nakikita natin sa ating mga komunidad at sa ating gobyerno. Marami rin ang nangangarap na makaalis ng Pilipinas,” ani Duterte.
“May pag-asa kung hindi natin tatanggapin ang kaguluhan. May pag-asa kung hindi natin tatanggapin na mananatiling mahirap ang ating bansa,” dagdag niya.
“May pag-asa kung tayong mga nakatatanda na ay mag-iisip tungkol sa bansang iiwan natin para sa ating mga anak,” aniya. RNT