MANILA, Philippines — Inilunsad ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang ikalawang yugto ng Private Express and Messengerial Delivery Service (PEMEDES) Licensing Portal na naglalayong mapabuti ang kaligtasan, pananagutan, at propesyonalismo sa industriya ng delivery services sa pamamagitan ng virtual IDs para sa mga rider.
Bahagi ang programa ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pabilisin ang digital transformation, palakasin ang tiwala ng publiko sa digital services, at gawing mas madali ang pakikipagtransaksyon sa pamahalaan sa pamamagitan ng teknolohiya.
Ayon kay DICT Secretary Henry Aguda, kabilang sa bagong tampok ng portal ang Messenger Work License (MWL) virtual ID na maaaring makuha ng mga rider sa pamamagitan ng PEMEDES portal.
“Every delivery matters. Every rider deserves recognition. Through the PEMEDES Licensing portal, we are making delivery services more professional, more accountable, and more secure for everyone,” ani Aguda.
Binuo ng DICT Management Information Systems Service ang portal bilang opisyal na plataporma ng gobyerno para sa regulasyon ng delivery services. Sa pamamagitan nito, maaaring magparehistro online ang mga rider at operator, magsumite ng requirements, sumailalim sa identity verification, at kumuha ng digital ID.
Gumagamit ang sistema ng National ID integration at facial recognition technology sa pakikipagtulungan sa e-Verify system ng Philippine Statistics Authority. Mayroon din itong automated document processing, AI-assisted data extraction, at QR-enabled identification upang mapabilis ang proseso ng licensing at agarang maaprubahan ang aplikasyon kapag kumpleto na ang mga kinakailangan.
Ayon sa DICT, makatutulong ang portal sa mga operator upang madaling mapatunayan ang pagkakakilanlan ng mga messenger at matiyak ang pagsunod sa mga regulasyon. Layunin din nitong palakasin ang tiwala ng publiko sa delivery services sa pamamagitan ng mas maayos na pagkilala at beripikasyon sa mga rider. Dave Baluyot