Home NATIONWIDE SocMed ban sa 16-anyos pababa, muling isinusulong ni SP Win

SocMed ban sa 16-anyos pababa, muling isinusulong ni SP Win

5
0

MANILA, Philippines – Muling isinulong ni Senate President Sherwin Gatchalian ang panukalang pagbawalan ang mga menor de edad na 16 taong gulang pababa na gumamit ng social media kasunod ng madugong pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong katao.

Ayon kay Gatchalian, dapat pagtuunan ng pansin ang epekto ng social media at mararahas na online content sa mga kabataan matapos maiugnay sa paunang imbestigasyon ng pulisya ang isa sa mga Grade 9 student na sangkot sa insidente sa mobile game na GoreBox, na kilala sa paggamit ng mga armas at mararahas na eksena.

“Isa sa mga finile ko dito sa Senado ay ma-ban ang social media sa 16 years old and below,” ani Gatchalian sa panayam sa Super Radyo dzBB.

“Marami tayong mga kabataan ang nalululong sa social media at violent games, at marami na ring pag-aaral ang nagsasabi na nakakaimpluwensya ito sa kanilang mental health kaya kung titingnan natin ang cases ng mental health natin sa kabataan ay napakataas,” dagdag niya.

Noong Lunes, dalawang menor de edad na may edad 14 at 15 ang nagpaputok ng baril sa loob ng San Jose National High School sa Barangay San Jose, Tacloban City, na ikinasawi ng tatlong katao at ikinasugat ng ilan pa.

Kinumpirma ng Police Regional Office 8 (PRO 8) na nagsampa na sila ng reklamong kriminal laban sa 15-anyos na estudyante na sangkot sa insidente. Ang dalawang child in conflict with the law (CICL) ay nasa pangangalaga na rin ng City Social Welfare and Development Office ng Tacloban City.

Nanawagan din si Gatchalian na palakasin ang Bahay Pag-asa, ang pasilidad para sa rehabilitasyon ng mga CICL, at pinabulaanan ang paniniwalang hindi napapanagot ang mga menor de edad na sangkot sa krimen.

“Ang pinakamahalaga dito ay ang Bahay Pag-asa kasi dito dinadala ang CICL at dito sila tinuturuan at nagkakaroon ng intervention. Ang concept dito dahil nga bata sila pag naturuan ng tamang direction at gabay, magiging productive na miyembro sila ng ating bansa,” aniya.

Sa ilalim ng Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, hindi mananagot sa kasong kriminal ang batang 15 taong gulang pababa ngunit sasailalim sa intervention program. Ang mga higit sa 15 ngunit wala pang 18 taong gulang ay maaari pa ring maharap sa kaukulang proseso kung mapatutunayang kumilos sila nang may discernment. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here