Home NATIONWIDE Tubig sa Angat Dam, bubulusok sa kritikal na antas ngayong Hunyo

Tubig sa Angat Dam, bubulusok sa kritikal na antas ngayong Hunyo

3
0

MANILA, Philippines – Posibleng umabot sa kritikal na antas na 160 metro ang lebel ng tubig sa Angat Dam bago matapos ang Hunyo, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Batay sa datos ng PAGASA, nasa 163.51 metro ang lebel ng tubig sa dam bandang alas-8 ng umaga nitong Miyerkules at bumababa ng halos kalahating metro bawat araw sa mga nakalipas na araw.

“Expected na umabot tayo sa critical [low] level ng Angat by the end of June,” ayon kay PAGASA hydrologist Jofren Habaluyas sa isang climate forum.

Binigyang-diin niya na mula sa Angat Dam nanggagaling ang malaking bahagi ng suplay ng tubig sa Metro Manila kaya posible ang kakulangan sa tubig kung magpapatuloy ang pagbaba ng lebel nito.

Mula nang magsimula ang tag-init noong Marso 23, mahigit 36 metro na ang ibinaba ng lebel ng tubig sa dam.

Ayon kay Habaluyas, matagal nang inaasahan ng mga awtoridad ang sitwasyong ito kaya nagpatupad na ng mga hakbang upang mapangalagaan ang suplay ng tubig.

“[Nagkaroon] tayo ng zero allocation for irrigation since the last few weeks of May para ma-concentrate ‘yung tubig ng Angat sa domestic supply,” aniya.

Inaasahan namang magsimulang makarekober ang Angat Dam sa ikalawang linggo ng Hulyo kasabay ng pag-iral ng habagat.

Tinatayang aabot sa 176.33 metro ang lebel ng tubig sa dam sa pagtatapos ng Hulyo at 184.45 metro sa pagtatapos ng Agosto, ngunit mababa pa rin ito kumpara sa normal high level na 210 metro.

Nagbabala rin ang PAGASA na maaaring maantala ang ganap na pagbangon ng dam dahil sa umiiral na El Niño, lalo’t inaasahan ang below-normal hanggang way below-normal na pag-ulan sa Angat watershed sa Nobyembre at Disyembre.

May mahigit 60 porsiyento ring posibilidad na lumakas pa ang El Niño at maging isang strong event pagsapit ng Agosto hanggang Oktubre, at posibleng maging very strong mula sa huling bahagi ng 2026 hanggang unang bahagi ng 2027. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here