MANILA, Pilipinas – Tinatayang siyam hanggang 13 bagyo ang maaaring mabuo o pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) mula Hulyo hanggang Disyembre ngayong taon habang patuloy na umiiral at lumalakas ang El Niño phenomenon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Sa isang climate forum nitong Miyerkules, sinabi ni PAGASA-Climate and Agrometeorology Division Assistant Weather Services Chief Ana Liza Solis na dalawa hanggang apat na bagyo ang inaasahang mabubuo sa Hulyo, dalawa hanggang apat sa Agosto, at dalawa hanggang tatlo sa Setyembre.
Inaasahan naman ang isa hanggang dalawang bagyo kada buwan mula Oktubre hanggang Disyembre.
Ayon kay Solis, karaniwang mas maraming bagyo ang nararanasan tuwing Hulyo sa panahon ng El Niño at mas marami ring umaabot sa typhoon at super typhoon category sa huling bahagi ng taon.
“Historically speaking po kasi, kapag merong El Niño mas marami po tayong bagyo during the month of July. At mas maraming typhoon at super typhoon category during the latter part of the year,” ani Solis.
“Whether weak, moderate, strong, or very strong ang El Niño ay mostly ay typhoon at super typhoon category ang ating posibleng maranasan na strength ng ating mga bagyo. We also need to consider ‘yung possible interaction ng El Niño with this tropical cyclone frequency and ‘yun pong ating mga intertropical convergence zone and low-pressure systems,” dagdag niya.
Sa kabila ng umiiral na El Niño, sinabi ng PAGASA na inaasahang makararanas pa rin ng near to above normal rainfall ang malaking bahagi ng bansa mula Hulyo hanggang Setyembre.
Gayunman, posibleng makaranas ng below-normal rainfall ang ilang bahagi ng Visayas at Mindanao sa naturang panahon.
“July to September ay possible pa rin po ‘yung generally near to above normal rainfall conditions in most parts of the country except sa ibang parte ng Visayas and Mindanao na mayroon pa rin pong below normal rainfall,” ayon kay Solis.
Mas mararamdaman naman ang epekto ng El Niño pagsapit ng mga huling buwan ng taon.
“Pagdating po ng October, below to near normal rainfall condition over Central Visayas and Mindanao and pagdating po ng November to December, dito na po ‘yung ating mataas na possibility of way below to below normal rainfall condition na likely to experience over most parts of the country. Nandito po ‘yung nakikita nating impact ng El Niño,” aniya. Santi Celario