ZAMBOANGA CITY – Patay ang isang babaeng Marine matapos umano itong pagbabarilin ng kanyang asawa na isa ring Marine sa loob ng Marine Base Arturo Asuncion sa Zamboanga City noong Martes, Hunyo 23.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Staff Sgt. Julie Ann Arsaga Santillan, liaison officer ng Field Artillery Battalion.
Batay sa imbestigasyon, binaril umano siya ng kanyang asawang si Staff Sgt. Dante Nunal Santillan, miyembro ng 18th Marine Company sa Zambales, gamit ang kanyang service firearm na Glock 9mm matapos ang pagtatalo hinggil sa problema sa pananalapi.
Matapos ang insidente, pinagbabaril din umano ni Dante ang kanyang sarili ng tatlong beses—dalawang tama sa katawan at isa sa ulo.
Isinugod sa ospital si Julie ngunit idineklarang dead on arrival. Dinala rin sa ospital si Dante at binawian ng buhay noong Miyerkules ng umaga, Hunyo 24.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang detalye ng insidente. Dave Baluyot