Home NATIONWIDE Kampanya kontra iligal na baril pinaigting ni Isko sa proteksyon ng mga...

Kampanya kontra iligal na baril pinaigting ni Isko sa proteksyon ng mga paaralan sa Maynila

3
0

MANILA, Philippines – PINAIGTING ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang kampanya laban sa mga ilegal na baril at armadong kriminal bilang bahagi ng malawakang hakbang upang maprotektahan ang mga estudyante at paaralan mula sa banta ng karahasan.

Ito ay matapos lagdaan ni Manila City Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang Executive Order No. 29, Series of 2026, na nagtatatag ng Manila School and Community Safety Task Force na mangunguna sa pagpigil sa mga insidente ng pamamaril at iba pang karahasang maaaring magdulot ng maraming biktima.

Sa kanyang State of the City Address noong Hunyo 24, binigyang-diin ni Domagoso na mahalagang maagapan ang mga banta bago pa ito mauwi sa trahedya.

“Simple ang ating polisiya: alisin ang mga ilegal na baril, aksyunan ang bawat babala ng posibleng karahasan, at ihanda ang bawat paaralan,” ani Yorme Isko.

Sa ilalim ng kautusan, inatasan ang Manila Police District (MPD) na paigtingin ang operasyon laban sa mga loose firearms, gun-for-hire groups, ilegal na bentahan ng baril, at iba pang armadong sindikato na maaaring magbanta sa kaligtasan ng publiko.

Magtatatag din ang MPD ng Threat Monitoring and Assessment Desk na magsisilbing sentro ng pagtanggap at pagsusuri ng mga ulat kaugnay ng posibleng karahasan sa mga paaralan, pampublikong pagtitipon, at iba pang mahahalagang pasilidad sa lungsod.

Kasabay nito, oobligahin ang mga paaralan na magkaroon ng sariling School Safety and Threat Assessment Teams upang agad na matukoy at matugunan ang mga estudyante o sitwasyong maaaring magdulot ng panganib sa komunidad ng paaralan.

Magkakaroon din ng mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan, barangay, at pulisya upang mapalakas ang pagbabantay at mabilis na pag-uulat ng mga banta at ilegal na armas.

Ayon sa City Hall, ang bagong polisiya ay bahagi ng mas malawak na layunin ng administrasyon na panatilihing ligtas ang mga kabataan at maiwasan ang mga insidenteng katulad ng mga nagaganap na school violence sa ibang bansa.

Sa loob ng anim na buwan, inaasahang ganap nang maipatutupad ang mga bagong hakbang sa seguridad sa lahat ng pampublikong paaralan sa Maynila bilang bahagi ng kampanya ng lungsod para sa mas ligtas na kapaligiran para sa mga mag-aaral. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here