MANILA, Philippines – WALANG Pinoy ang naiulat na nasaktan o nasawi kasunod ng dalawang napakalakas na lindol na tumama sa northern coast ng Venezuela.
Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Philippine Embassy sa Bogota, may hurisdiksyon sa Venezuela, masusi nitong mino-monitor ang situwasyon at nakikipag-ugnayan na sa Filipino community sa South American country kasunod ng June 24 earthquakes.
“As of this writing, no reports of injuries or casualties were received from Filipino nationals in Venezuela,”ang sinabi ng DFA sa isang kalatas.
Ang embahada ay nakipag-ugnayan sa mga filipino sa capital, Caracas, at sa Lungsod ng Barinas, pinayuhan ang mga ito na sumilong ng ligtas sa isang lugar at i-monitor ang updates mula sa lokal na awtoridad.
Ayon sa DFA, tinatayang 74 Filipino ang nakatira sa Venezuela, marami sa mga ito ay religious missionaries.
Iniulat naman ng Venezuelan authorities na may 32 katao ang nasawi at mahigit sa 700 ang nasugatan matapos ang twin earthquakes, dahilan ng malawak na pagkawasak sa loob at sa palibot ng Caracas.
Sinabi ni Acting President Delcy Rodríguez na ang La Guaira state ang itinuturing na hardest-hit area, kung saan maraming gusali ang gumuho habang nagpapatuloy naman ang rescue operations.
Samantala, sinabi ng DFA na ipagpapatuloy nito ang pagmonitor sa mga kaganapan at magbibigay ng updates kung kinakailangan. KRIS JOSE