Home NATIONWIDE Bagong ‘banta ng shooting’ sa ibang Leyte schools, napigilan ng CIDG -Bam

Bagong ‘banta ng shooting’ sa ibang Leyte schools, napigilan ng CIDG -Bam

1
0

MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Bam Aquino na napigilan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) ang panibagong banta ng pamamaril sa ibang paaralan sa Leyte kasunod na karahasan sa San Jose National High School.

Sa pahayag, sinabi ni Aquino na natanggap niya ng tip mula sa ibang bata sa kanyang pagdalaw sa Tacloban City nitong Miyerkoles na may nagbabantang gumawa ng panibagong karahasan o pamamaril sa ibang paaralan sa lalawigan ng Leyte.

Aniya, bumisita siya sa Tacloban City noong Miyerkules para magpaabot ng personal na pakikiramay sa magulang ng mga napaslang na bata at bisitahin ang ilan sa mga nasaktang bata sa mga ospital.

“Doon po tayo nakatanggap ng tip ukol sa banta ng panibagong karahasan sa ibang paaralan sa Leyte,” ayon kay Aquino.

Dahil dito, kaagad nitong ipinagbigay alam kay Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla ang impormasyon kaya’t mabilis na pinakilos ang CIDG sa posibleng lugaar.

“Agad naming binahagi ang impormasyon kay DILG Secretary Jonvic Remulla at agarang din nyang inimbestigahan at inaksyunan,” ayon kay Aquino.

Aniya, mabilis na kumilos ang pulisya at napigilan ang nasabing banta ngunit minabuting hindi na banggitin kung saan at kung may nahuli o natukoy na suspek o grupo sa partikular na lugar para sa seguridad.

“Nagpapasalamat kami kay Sec. Jonvic at sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa mabilis nilang pagkilos para mapigil ang nasabing banta,” ayon kay Aquino.

Sinabi ni Aquino na hiniling ng mga pamilya ng biktima at mag-aaral sa lugar na mabigyan ng hustisya ang napatay at huwag nang maulit ang Insidente sa alinmang paaralan.

“Sa aming pagbisita sa mga nasaktang estudyante, kanilang mga magulang at mga magulang ng mga nasawing kabataan, dalawa ang kanilang hinaing: una, ang hustisya para sa mga biktima, at pangalawa, na hindi na maulit ang ganitong klaseng karahasan sa ating mga paaralan,” giit ni Aquino.

“Asahan nyo po ang aming pagsulong ng School Safety Act para masiguro ang kaligtasan ng ating mga kabataan.,” aniya sa magulang ng mga biktima,” paniniyak ng senador sa magulang ng mga biktima.

Kasunod nito, sinabi din ng mambabatas na sinusuportahan nito ang pagrebyu at pag-amyenda sa Juvenile Justice Law kabilang ang pagbabawal sa social media sa batang may edad 15 pababa.

“Ilan lang po ito sa mga repormang kinakailangan. Committed po ang inyong Committee on Basic Education na aksyunan ang mga panukalang kinakailangan para sa kaligtasan ng ating mga kabataan at ng ating mga paaralan.,” ayon sa senador. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here