MANILA, Philippines — Nasa kustodiya na ng Regional Rehabilitation Center for the Youth (RRCY) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 8 ang dalawang children in conflict with the law (CICLs) na sangkot sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City, ayon sa Juvenile Justice and Welfare Council (JJWC).
Sinabi ni JJWC Executive Director Tricia Clare Oco na sumasailalim sa psychological assessment at iba pang pagsusuri ang dalawang menor de edad upang matukoy ang mga dahilan ng kanilang pagkakasangkot sa insidente. Aniya, magkahiwalay silang inoobserbahan at hindi muna isinasama sa ibang kabataan sa pasilidad.
“‘Yung sa dalawang bata ngayon, hindi pa sila hinahalo doon sa ibang mga bata. Hindi rin sila pinagsasamang dalawa kase ino-observe pa sila. We don’t recommend na i-isolate forever ang isang bata kasi baka makalimutan niya na siya ay bata. Ang gusto kasi natin, maibalik sa dati [ang kaniyang pag-iisip] bago niya ma-commit ‘yung krimen na’yun,” ani Oco.
Binigyang-diin ni Oco na sa ilalim ng Republic Act 9344 o Juvenile Justice and Welfare Act of 2006, nakatuon ang batas sa rehabilitasyon ng CICLs habang nananatili silang may pananagutan sa kanilang mga nagawa.
Aniya, mahigpit ding binabantayan ang dalawang menor de edad sa loob ng pasilidad at limitado ang kanilang galaw, katulad ng mga persons deprived of liberty. Posible ring maharap sa kasong sibil o kriminal ang kanilang mga magulang depende sa resulta ng imbestigasyon ng pulisya.
Ayon naman kay DSWD Crisis Intervention Program Director Edwin Morata, mahigpit na nililimitahan sa pasilidad ang galaw, pagbisita at iba pang aktibidad ng mga CICLs bilang bahagi ng kanilang rehabilitasyon.
“Wala silang access to everything. Restricted. Even ‘yung pagkain nila, even yung pag visit sa kanila. Ang tinitignan natin kasi dito is for them to bring back this kid doon sa idea na dapat may mga sinusunod tayong polisiya pagdating natin ng komunidad,” ani Morata.
Samantala, sinabi ng DSWD na sasagutin nito ang gastusing medikal at pagpapalibing ng tatlong nasawi, magbibigay ng P20,000 cash assistance sa bawat naulilang pamilya, at sasagutin din ang gastusing medikal ng 13 sugatang estudyante sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation program.
Muling iginiit ni Oco na bukas ang JJWC sa pagrepaso sa Juvenile Justice and Welfare Act, ngunit sinabi niyang hindi sapat na tutukan lamang ang minimum age of criminal liability upang masolusyunan ang karahasang kinasasangkutan ng mga kabataan.
“’Wag lang natin tutukan ‘yung minimum age [of criminal liability] kase kailangan makahanap tayo ng tamang solusyon sa nangyari. Iku-quote ko lang yung psychologist na nakausap ko, sabi niya, it might be a lazy way of finding solutions to violence. Andami kasing factors kung bakit nila ito ginagawa,” ani Oco. Santi Celario