MANILA, Philippines — Sugatan ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa labas ng Kolehiyo ng Pantukan sa Davao de Oro ilang sandali matapos dumalo sa kanyang graduation ceremony nitong Huwebes.
Sa paunang imbestigasyon, papasakay na sana ang biktima kasama ang kanyang pamilya sa kanilang minivan bago mag-ala-una ng hapon nang pagbabarilin ito ng hindi pa nakikilalang suspek.
Nagtamo ang biktima ng apat na tama ng bala at isinugod sa ospital sakay ng traysikel. Nasa stable condition na umano ito.
Dalawang tama ng bala ang nakita sa minivan ng biktima habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Pantukan, nakikipag-ugnayan na ito sa mga awtoridad at magbibigay ng tulong sa biktima at sa kanyang pamilya.
Nangyari ang insidente ilang araw matapos ang pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinasawi ng tatlong estudyante at ikinasugat ng 20 iba pa. Mary Anne Sapico