MANILA, Philippines — Nasawi ang isang 27-anyos na senior high school teacher matapos mabangga ng isang sports utility vehicle (SUV) na umano’y minamaneho ng anak ni Marikina City Vice Mayor Del de Guzman.
Nangyari ang insidente noong Hunyo 13 sa isang interseksyon sa Barangay Concepcion Dos, Marikina City at nakuhanan ng CCTV. Ang biktimang si Alexander Quintos Cruz ay nagtamo ng matinding pinsala, kabilang ang brain hemorrhage, at pumanaw makalipas ang isang linggong pananatili sa ospital.
Ayon sa kanyang ina na si May Ann Cruz, papunta sana ang kanyang anak upang makipagkita sa mga kaibigan para sa isang outing sa La Union nang mangyari ang aksidente.
“Napakabata pa ng anak ko, marami pa siyang pwedeng maibahagi sa mundo, marami pa siyang pwedeng gawin, marami pa siyang buhay na pwedeng ma-touch. Pero tinanggal po nila yung pagkakataon na ‘yun sa anak ko,” ani May Ann.
Makikita sa CCTV na gumamit ng signal light ang biktima bago lumiko pakaliwa sa interseksyon. Itinanggi rin ng kanyang ina ang alegasyong hindi ito nagsignal o nagpreno bago ang banggaan.
“Sinabi po niya na hindi daw po nag signal light ang anak ko at hindi din nag-preno. Na-prove po ng colored na CCTV na may signal, malayo pa sa intersection, ‘yung pagpapatakbo ng motor ng anak ko,” dagdag niya.
Kinilala ng Marikina City Police ang driver ng SUV bilang si David Alfred de Guzman, 24, na iniulat na anak ni Vice Mayor Del de Guzman. Positibo rin umano sa blood alcohol concentration ang isinagawang alcohol breath analyzer test.
Sinabi rin ni May Ann na nilapitan sila ng isa pang anak ng vice mayor na si Dean de Guzman at kinumpirma nitong kapatid niya si David.
Inaresto si David de Guzman at sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting in physical injuries and damage to property, gayundin ng paglabag sa Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013. Nakalaya rin ito matapos makapagpiyansa. RNT