MANILA, Philippines – Pormal na pinarangalan ng Boy Scouts of the Philippines (BSP)-Leyte Council si Scout Chris Lorenz Fabian dahil sa ipinakita nitong kabayanihan sa nangyaring pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Hunyo 22.
Sa pamamagitan ng Board Resolution No. 2026-06-012 na inaprubahan sa isang Special Executive Board Meeting noong Miyerkoles, kinilala ng konseho ang katapangan ni Fabian matapos umano nitong isara ang pintuan ng silid-aralan habang papalapit ang armadong salarin, na nakatulong upang maprotektahan ang nasa 30 niyang kaklase.
Ayon sa resolusyon, si Fabian ay “displayed exceptional courage and presence of mind when he swiftly closed the door of their classroom as an armed assailant approached. His decisive action prevented the gunman from immediately entering the room and potentially causing further harm to his classmates.”
Sinabi ng BSP-Leyte Council na isinugal ni Fabian ang sariling kaligtasan upang mailigtas ang iba, na sumasalamin sa mga pagpapahalaga ng Scouting sa katapangan, paglilingkod, pamumuno, at malasakit sa kapwa.
“His actions undoubtedly contributed to the protection and preservation of human life and serve as a shining example of valor, responsibility, and commitment to the welfare of others,” nakasaad sa resolusyon.
Binigyang-diin din ng konseho na ipinakita ni Fabian ang pinakamataas na adhikain ng Scouting at ang diwa ng Scout slogan na “Do a Good Turn Daily.”
Isang kopya ng resolusyon ang ipagkakaloob sa pamilya ni Fabian bilang pagkilala sa kaniyang kabayanihan. Ang 15-anyos na estudyante ay kabilang sa tatlong nasawi sa Tacloban school shooting at kinikilalang bayani matapos ialay ang kaniyang buhay upang maprotektahan ang kaniyang mga kaklase. RNT