MANILA, Philippines – Naaresto ng mga awtoridad ang dalawang dayuhang pugante na pinaghahanap sa kani-kanilang bansa sa magkahiwalay na operasyon sa Metro Manila, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Sa isang press briefing sa Camp Crame, ipinrisinta ni PAOCC Executive Officer Undersecretary Benjamin Acorda Jr. sina South Korean national Kim Sihun, na wanted sa kasong fraud, at Japanese national Hideharu Inoue, na umano’y mataas na miyembro ng Luffy Group criminal syndicate.
Naaresto si Inoue noong Martes sa Makati City. Ayon sa mga awtoridad, isa siyang manager ng Luffy Group na sangkot umano sa malawakang panloloko sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga opisyal ng pamahalaan ng Japan, kabilang ang mga pulis at tauhan ng Ministry of Finance.
Samantala, nadakip si Kim sa isang mall sa Mandaluyong City noong nakaraang linggo. Siya ay may arrest warrant na inilabas ng Seoul Central District Court sa South Korea noong 2020 kaugnay ng kasong fraud at saklaw din ng isang aktibong Interpol Red Notice.
Ayon kay Acorda, naging matagumpay ang operasyon dahil sa koordinasyon ng mga law enforcement agency ng Pilipinas, Interpol at mga dayuhang kapulisan.
“You may cross borders, change identities, and attempt to hide behind distance, but when nations cooperate, when agencies coordinate, and when communities communicate, you will be found,” ani Acorda.
Isinailalim na sa Bureau of Immigration ang dalawang dayuhan para sa dokumentasyon at deportation proceedings. RNT