MANILA, Philippines – Inimbitahan ng Senado ang lahat ng eksperto sa criminal law, social welfare, juvenile justice, at law enforcement agencies sa isang pagdinig upang matukoy kung kailangan talagang ibaba ang edad ng criminal liability ng mga menor de edad sa bansa.
Inihayag ito ni Senador Erwin Tulfo, chairman ng Senate Committee on Social Justice and Welfare, kasunod ng shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban City na ikinamatay ng apat na estudyante at ikinasugat ng 15 pa.
Sa pahayag, sinabi ni Tulfo na “nitong mga nakaraang araw, naging malinaw para sa atin na dapat nang repasuhin at suriin nang mas malalim ang Juvenile Justice and Welfare Act.”
“Hindi lamang yung mga probisyon nito, kundi yung implementasyon at on-ground application nito na nakaaapekto sa buhay at kalayaan ng mga kabataan,” ayon sa senador.
Aniya, tingin ng ilan ay napapanahon na para babaan ang edad ng criminal liability ng mga kabataang nagkakasala, tulad ng mga sangkot sa pamamaril sa Tacloban, Leyte.
Mayroon namang nagsasabi, dagdag niya, tulad ng mga child psychologists at social workers, na ang problema ay nasa implementasyon ng batas, pagpapalaki ng mga magulang sa kanilang mga anak, at sa komunidad na kanilang kinabibilangan.
“Kaya patuloy po ang ating konsultasyon sa mga criminal law experts, law enforcement, juvenile justice experts, at maging sa mga social welfare agencies and groups,” ayon sa mambabatas.
Giit ni Tulfo, kailangan nating tapat na sagutin ang mga tanong: Dapat na nga bang ibaba ang age of criminal liability? Epektibo ba ang implementasyon ng batas na ito sa pagbalanse ng rehabilitation ng mga batang nagkasala at ng seguridad ng mga komunidad?
“May mga sapat bang pasilidad ang pamahalaan para maisakatuparan yung mithiin ng batas? Hindi po maiiwasan na sa mga ganitong kasensitibong usapin ay magkakaiba tayo ng pananaw,” ayon sa senador.
“Pero ito na po ang panahon para magkaisa ang lahat ng sektor. Kailangan na ng totoong solusyon. Isulong na ang mga polisiya at programa na hindi lang magiging reactive kapag may nabiktima na, kundi magiging proactive sa paggabay sa ating kabataan upang hindi na sila maligaw ng landas,” aniya. (Ernie Reyes)