MANILA, Philippines – Nagsampa ang National Bureau of Investigation (NBI) ng kasong qualified human trafficking laban kay dating kongresista Mike Defensor, asawa niyang si Julie Defensor, at iba pang opisyal ng kanilang mga kumpanya.
Ang reklamo ay isinampa matapos ang pagsalakay ng NBI noong Abril 21 sa Chicago KTV Bar at Bleu Hotel sa Pasig City, kung saan mahigit 50 kababaihan ang umano’y sekswal na pinagsamantalahan.
Ayon sa NBI, nagsimula ang kanilang imbestigasyon noong Abril 7 matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential informant.
Kasama rin sa reklamo ang anak nilang sina Michaela Defensor at Miguel Gabriel Defensor, pati ang iba pang opisyal ng mga kumpanyang namamahala sa mga establisimyento.
Kinasuhan din ng human trafficking ang Lawrence Tan, na ayon sa NBI ay naabutan sa loob ng Chicago KTV Bar nang isagawa ang raid.
Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag na bilang chairperson ng Cliffpoint Development Corp., alam umano ni Defensor ang nagaganap na sekswal na pagsasamantala sa bar at hotel. Inakusahan din siyang pumayag sa mga pagbabago sa gusali na umano’y nakatulong sa human trafficking.
Itinanggi naman ni Defensor ang mga akusasyon at iginiit na “politically motivated” ang kaso. Aniya, ito ay paghihiganti dahil sa kanyang patuloy na pagpuna kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at sa kanyang paghawak sa mga testigong nag-akusang may naganap na kickback sa mga proyekto ng gobyerno. RNT/MDS