Home ENTERTAINMENT Regine, Moira, James, Ben&Ben, wagi sa 17th Star Awards Awards for Music!

Regine, Moira, James, Ben&Ben, wagi sa 17th Star Awards Awards for Music!

2
0

Manila, Philippines – Star-studded ang 17th Star Awards for Music ng PMPC Star Awards Inc. sa pagdalo ng karamihan sa winners at awardees sa gabi ng parangal na ginanap nitong Huwebes, Hunyo 25, 2026, sa Teatrino, Promenade Greenhills, San Juan City.

Consistent sa pagpunta sa Star Awards for Music ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid kaya naman nakapagpasalamat siya onstage sa pagkapanalo bilang Female Concert Performer of the Year.

Hindi rin nasayang ang pagdalo sa awards night nina Moira, James Reid at ng magkapatid na Paulo at Miguel Benjamin ng bandang Ben&Ben dahil kabilang sila sa big winners at personal nilang natanggap ang kanilang mga tropeyo para sa napanalunan nilang major awards.

Si Moira ang itinanghal na Female Recording Artist of the Year.

Nasungkit naman ng “jgh” album ni James Reid mula sa mahigpit na laban ang Album of the Year. Habang iniuwi naman ng Ben&Ben ang Duo/Group Artist of the Year.

Idagdag pa riyan ang nakuhang special award ni Moira na Female Star of the Night at si James bilang Male Celebrity of the Night.

Maging ang dalawa sa hosts na sina Jayda Avanzado at Dylan Menor ay nagkamit din ng mga parangal.

Hindi nga makapaniwala si Jayda na mananalo siya ng Female Pop Artist of the Year plus Female Celebrity of the Night.

Wagi naman si Dylan ng Male Star of the Night. Nakasama nilang mag-host ng awards night sina Jarren Garcia at Marthena Jickain.

Dumalo rin sa music event si Maki at natanggap niya ang award niyang Male Pop Artist of the Year. Pero kinailangan niyang umalis dahil may tinatapos pa siyang recording kaya hindi niya nakuha ng personal ang tropeyo para sa hit song niyang “Dilaw,” na nanalong Song of the Year.

Hindi nakapunta sa taunang parangal ng PMPC ang multi-awardees na SB19, BINI, at si TJ Monterde. Marami pa naman silang napanalunan awards. Pero nagpadala sila ng representatives mula sa kanilang management team at recording company.

Nagwagi ang SB19 ng Duo/Group Concert Performer of the Year at Concert of the Year para sa kanilang “Pagtatag! World Tour (Manila).” Nakuha rin nila ang award para sa Music Video of the Year (“Kalakal” with Gloc-9), gayundin ang special Fan Favorite Award mula sa co-presentor ng Star Awards for Music na PlayTime.

Ang SB19 ang nakakuha ng pinakamaraming boto mula sa isinagawang fan poll ng PlayTime sa kanilang website.

Nanalo naman ang BINI ng Pop Album of the Year para sa kanilang “Talaarawan” album sa Star Music. Winner din sila sa Dance Recording of the Year para sa dance hit nilang “Salamin Salamin.”

Ang naka-tie nila sa naturang award na P-Pop group din mula sa AQ Prime Music, ang Bilib, ang present kaya natanggap nila ang tropeyo para sa kanta nilang “Say Whatcha Wanna Say.”

Tatlong awards ang pinagwagian ni TJ – Male Recording Artist of the Year, Male Concert Performer of the Year, at Collaboration of the Year – kung saan naka-duet niya ang kanyang misis na si KZ Tandingan sa awitin niyang “Palagi.”

Hindi rin nakapunta sa awards night si Kris Lawrence na nanalong R&B Artist of the Year. Pero nagdulot naman ng kilig sa audience ang pagdating ni Katrina Halili para tanggapin ang award. Patunay lang na talagang nagkakamabutihan muli ang dalawa lalo na’t madalas silang mapanood na sweet sa kanilang collab videos sa social media.

Present naman ang lahat ng Lifetime Achievement awardees para tanggapin ang kanilang mga natatanging parangal – ang Pilita Corrales Lifetime Achievement Awardees na sina Celeste Legaspi at Andrew E, pati na si Mon del Rosario na pinagkalooban naman ng Parangal Levi Celerio Lifetime Achievement Award.

Hinandugan ng tribute performance ni Ima Castro si Celeste, ang Salbakuta para kay Andrew, at sina Chad Borja at JV Decena para kay Mon.

Dumalo na, nag-perform pa ang legendary group na Rainmakers, na recipient ng Mga Natatanging Alagad ng Musikang Pilipino.

Kabilang din sa singers at performers na nagtanghal sina Jarren Garcia, Sam Concepcion, at Jojo Mendrez.

Nakatuwang ng PMPC Star Awards Inc. sa pag-organisa ng 17th Star Awards for Music ang Echo Jham Entertainment Production na pinamumunuan ni Ms. Mhae Sarenas. Si Calvin Murphy Neria ang nagdirek ng naturang music event.

Nagdiriwang at nagpapasalamat naman sa tagumpay ng 17th Star Awards for Music ang mga opisyales at miyembro ng PMPC Star Awards Inc. sa pangunguna ng kasalukuyang Pangulo na si Fernan de Guzman at ng Overall Chairman na si Mell Navarro. JP Ignacio

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here