Home METRO Koordinasyon sa e-waste, pinaigting ng BOC

Koordinasyon sa e-waste, pinaigting ng BOC

1
0

MANILA, Philippines — Mas pinaigting ng Bureau of Customs (BOC) ang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga environmental organization kaugnay ng kontrobersyal na usapin ng mga pinaghihinalaang kargamento ng electronic waste (e-waste) na dumaan sa Subic.

Ayon sa BOC, magsasagawa ito ng isang malawakang pagpupulong sa Hulyo 6 upang linawin ang papel ng bawat ahensya, tiyakin ang pagsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon, at talakayin ang mga posibleng legal at praktikal na hakbang sa isyu.

Kabilang sa mga inimbitahan sa pulong ang mga kinatawan ng Office of the Solicitor General (OSG), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Economic Zone Authority (PEZA), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Justice (DOJ), at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA). Makikilahok din ang ilang environmental groups gaya ng Basel Action Network, Sustainable Electronics Recycling International, at Ecowaste Coalition.

Sinabi ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na layunin ng pagpupulong na magkaroon ng mas malinaw na pag-unawa ang lahat ng sektor habang nagpapatuloy ang pagdinig ng kaso sa korte.

Sa kasalukuyan, nananatiling nakabinbin sa korte ang kaso at nasa proseso ng apela sa pamamagitan ng OSG. Dahil dito, nilinaw ng BOC na hindi pa ito maaaring magbigay ng mga partikular na detalye hinggil sa mga kargamento habang nagpapatuloy ang legal na proseso.

Sa kabila nito, tiniyak ng ahensya na normal pa rin ang operasyon sa Port of Subic at patuloy ang pakikipag-ugnayan nito sa iba pang mga ahensya upang mapanatili ang mga pananggalang para sa kalikasan at regulasyon sa pagpasok ng mga kargamento.

Matatandaang inihayag ng ilang environmental groups na kanilang namonitor noong Marso ang mahigit 200 container ng pinaghihinalaang e-waste at isang container ng plastic waste na umano’y nagmula sa Estados Unidos.

Ang hakbang ng BOC na tipunin sa iisang mesa ang mga ahensya ng gobyerno at mga environmental advocate ay nakikitang mahalagang pagsisikap upang matiyak ang transparency, pananagutan, at mahigpit na pagpapatupad ng mga batas laban sa pagpasok ng mga basurang maaaring makasama sa kalikasan at kalusugan ng publiko. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here