MANILA, Philippines – Nakatakda nang simulan ang isang komprehensibong pagsusuri sa pagpapatupad ng Republic Act 9344, o ang “Juvenile Justice and Welfare Act of 2006” ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, sa pamumuno ni Senador Erwin Tulfo.
Kasunod ito ng ilang high-profile cases na kinasangkutan ng mga menor de edad, kabilang ang insidente ng pamamaril sa Tacloban at kaso ng pananaksak sa Negros Occidental at lalawigan ng Cavite.
“Paulit-ulit ko nang binibigyang-babala ang publiko rito dahil sa totoong buhay, napakalaki at napakalinaw ng mga kakulangan sa pagpapatupad ng batas na ito,” ani Tulfo.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang naturang pagsusuri ay matagal na niyang isinusulong bago pa man siya pumasok sa gobyerno.
“Bago pa man ako maging senador, nasaksihan ko na ang mabigat na reyalidad ng batas na ito. Sa loob ng maraming taon, dinadagsa ang programa ko ng mga pamilyang nawalan ng pag-asa matapos mabiktima ng mga menor de edad, dahil na rin sa kawalan ng pangil ng pagpapatupad ng Juvenile Law,” ani Tulfo.
Matatandaang noong 2019, hayagang pinuna ni Tulfo ang pagpapatupad ng naturang batas, partikular ang kakulangan sa pondo para sa pagpapatayo ng mga Bahay Pag-asa centers, at kinuwestiyon ang pagiging epektibo ng kasalukuyang edad ng criminal liability. Lalo pang tumibay ang paninindigang ito nang maging Kalihim siya ng DSWD, kung saan personal niyang nasaksihan ang problema sa sistema.
Ngayong nasa Senado na, gagamitin ni Tulfo ang mandato ng kanyang komite upang isaayos ito. Tututukan ng komite ang kakulangan ng mga functional na pasilidad ng Bahay Pag-asa, ang epekto ng mga intervention programs para sa mga Children in Conflict with the Law (CICL) at Children at Risk (CAR), at ang pagpapatupad ng mahigpit na pananagutan sa mga magulang.
Muli ring bubuklatin ng komite ang mga kontrobersyal na probisyon ng batas, partikular ang itinakdang edad para sa criminal liability.
“Angkop pa ba ang edad ng criminal liability sa panahon ngayon? Napapanagot ba nang maayos ang mga magulang ng mga CICL na ito? Mayroon ba talagang maayos na rehabilitation facilities na gumagana sa kasalukuyan?” tanong ng mambabatas.
Nilinaw naman ni Tulfo na ang layunin ng komite ay ayusin ang sirang sistema upang mabigyan ng katarungan ang mga biktima habang ginagabayan sa tamang rehabilitasyon ang mga menor de edad.
“Hihimayin natin ang bawat anggulo ng batas na ito, walang palalampasin. Kasalukuyan nating kinukuha ang pananaw ng mga eksperto sa batas, mga law enforcers, social welfare groups, simbahan, mga medical professionals, at maging ang mga magulang. Kailangan nating ilatag ang lahat ng panig para maayos na yung mga probisyon at lalo na ang implementasyon. Ernie Reyes