CLAVERIA, Cagayan – Arestado ang isang 28-anyos na bagitong sundalo matapos ireklamo sa pagpapaputok ng baril sa harap ng bahay ng kanyang sariling bayaw sa Brgy. Luzon, Claveria, Cagayan kaninang madaling-araw.
Pansamantala itinago sa pangalang Cpl.Bugoy ang suspek, may asawa, myembro ng Philippine Army, at residente ng Calanasan, Apayao.
Batay sa report ng Cagayan Police Provincial Office (CPPO) dakong alas-12:10 ng madaling-araw ng sumugod ang suspek sa harap ng bahay ng kanyang bayaw at paulit-ulit na hinamon para lumabas. Nang dedmahin si Bugoy dito na walang habas na nagpaputok ng baril na ikinabulabog pa ng mga residente. Pagkatapos ay umalis ang suspek sakay ng isang kulay abong sasakyan patungo sa bayan ng Abulug.
Ayon naman sa asawa ng biktima na kapatid mismo ng suspek, nagising sila sa malakas na pagsisigaw ng suspek sa labas ng kanilang bahay.
Makalipas ang ilang sandali at walang lumabas sa kanilang tahanan, sunod-sunod na putok ng baril ang kanilang narinig bago tuluyang tumakas ang suspek.
Sa isinagawang imbestigasyon sa lugar ng insidente nakarekober ang mga awtoridad ng anim (6) na basyo at isang live ammo ng M16 armalite rifle at tatlong (3) basyong kalibre 45.
Agad namang hinanting ng Claveria Police Station hanggang sa matunton ang suspek sa kanyang pinagtaguan sa isang compound sa Brgy. Centro 8, Claveria, Cagayan.
Nakumpiska sa pag-iingat ng suspek ang isang M16 rifle; isang caliber .22 rifle na may scope; isang caliber .45 pistol; isang long magazine; dalawang magazine ng Caliber .45; isang magazine ng Caliber .22; 21 piraso ng live 5.56 mm cartridges; pitong (7) live .45 caliber cartridges; 10 piraso ng live .22 caliber cartridges; isang itak; mission order; AFP Identification Card; License to Own and Possess Firearms (LTOPF) Identification Card; Philippine Army uniform; war belt; bandolier; sling bag; gayundin ang sasakyan na ginamit nito sa kanyang pagtakas.
Dinala si Cpl.Bugoy sa Claveria Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at paghahanda ng mga kasong isasampa laban sa kanya. (REY VELASCO)