Home NATIONWIDE Clean up ship, tutulong sa paglilinis ng Manila Bay

Clean up ship, tutulong sa paglilinis ng Manila Bay

6
0

MANILA, Philippines – Inaasahang mapapalakas ng MV Nilad, isang marine cleanup vessel na donasyon ng Republic of Korea, ang kakayahan ng Pilipinas sa pagkolekta ng lumulutang na basura, pagtugon sa oil spills, at rehabilitasyon ng Manila Bay.

Ayon kay Environment Secretary Juan Miguel Cuna, ang barko ay bahagi ng USD 8.2 milyong Enhancement of Marine Litter Management in Manila Bay (EMLM) project na pinondohan ng Korea International Cooperation Agency (KOICA).

“The MV Nilad strengthens even more our ability to address marine litter in Manila Bay, and more importantly, reflects how strong partnerships and shared responsibility can deliver real results for our environment and our people,” ani Cuna.

Batay sa pag-aaral ng De La Salle University-Dasmariñas, mahigit 6.5 milyong piraso ng basura na may bigat na higit 203,000 kilo ang nananatili sa 190-kilometrong baybayin ng Manila Bay. Ayon sa DENR, 91% ng mga nakolektang basura ay plastik, karamihan ay single-use packaging, sachet, plastic bag, lalagyan ng inumin, at upos ng sigarilyo.

Sa kabila nito, bumaba ng 36% ang dami ng basura at 42% ang kabuuang bigat ng nakolektang waste noong 2024 sa 10 proyekto sa Cavite, NCR, at Bataan.

Ang 25-meter, 101-toneladang MV Nilad ay may trash skimmer para sa lumulutang na basura, deck crane para sa pag-angat ng basura, at oil boom para sa mabilis na pagtugon sa oil spill. Kasama rin sa proyekto ang isang crane-equipped truck para sa pagdadala ng nakolektang basura.

Pangungunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang inagurasyon ng MV Nilad sa Martes. Ang limang taong proyekto ng Pilipinas at Republic of Korea ay nagsimula matapos lagdaan ang Special Authority noong Mayo 12, 2022. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here