MANILA, Philippines – Nagsampa na ng mga kaso ang Philippine National Police (PNP) laban sa tatlong suspek na nasugatan sa engkuwentro habang aarestuhin sa Bocaue, Bulacan.
Ayon sa PNP, pinaputukan umano ng mga suspek ang mga pulis na magsisilbi ng warrant of arrest kaya napilitan ang mga awtoridad na gumanti ng putok. Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang tatlo.
Iniimbestigahan din ang kanilang posibleng pagkakasangkot sa mga sunod-sunod na nakawan sa Tanauan City, Batangas; Magalang, Pampanga; at Victoria, Tarlac, kabilang ang mga convenience store, e-tap cash machine, at O!Save grocery.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong frustrated murder, direct assault, paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearms), at RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act).
Nasamsam sa kanila ang pitong sachet ng hinihinalang shabu, tatlong hand grenade, isang flashbang grenade, isang Vector 9mm pistol, isang .45-caliber pistol, at isang baril na walang serial number.
Patuloy pa ang imbestigasyon upang malaman kung may iba pa silang kasabwat at kung sangkot sila sa iba pang krimen. RNT/MDS